10th LGBTQIA+ Celebration

Pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang 10th LGBTQIA+ Celebration na ginanap noong ika-5 ng Nobyembre 2025 sa Provincial DREAM Zone, Capitol Site, Batangas City. Ang aktibidad na ito ay sa ilalim ng programa ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pangunguna ni PSWDO head, Ms. Etheldrida Luistro at mga kasamahan mula sa nasabing tanggapan, katuwang ang Promoting Advocacy Rendering in Neutral Equality Inc. (PARINE).

Sinimulan ang makulay na pagdiriwang sa pamamagitan ng Grand Pride Parade, na nagsilbing simbolo ng pagkakaisa, pagmamalaki, at pagsuporta sa karapatan ng bawat kasapi ng LGBTQIA+ community.

Sinundan naman ito ni Mr. Aivan Alvarez, isang Social Development Specialist mula sa Wagayway Equality, na nagbigay-diin ng kahalagahan sa kaalaman hinggil sa Mental Health and Well-being. Sa kanyang pagbabahagi, tinalakay niya ang mga isyung kinahaharap ng komunidad tulad ng stigma, stress, at ang kahalagahan ng resilience o katatagan ng loob sa pagharap sa mga hamon ng lipunan. Bukod sa mga makabuluhang talakayan, naging tampok din ang mga kapanapanabik na Festival Queen and King Costume Competition at LGBTQIA+ Got Talent. Sa pagtatapos ng pagdiriwang, ginanap ang pagkakaloob ng Certificate of Participation at paghahayag ng mga nagwagi sa iba’t ibang patimpalak.

Nagpaabot ng pagbati at mensahe ng suporta sina Provincial Administrator, Atty. Joel Montealto, bilang kinatawan ni Governor Vilma Santos-Recto, 1st District Board Member, Armie Bausas na namumuno sa Committee on LGBTQIA+ at Gender Equality, at 5th District Senior Board Member, Dr. Jun Berberabe Jr. na namumuno sa Committee on Social Welfare and Family.

Ang idinaos na 10th LGBTQIA+ celebration ay patunay sa pagkakaisa at patuloy na suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas tungo sa pagkakapantay-pantay at mas inklusibong komunidad para sa bawat Batangueño.

✎ Almira Elaine F. Baler
📷 Kevin Medrano / Froilan Salcedo Jr. – Batangas Capitol PIO