20th Southern Tagalog Cooperative Congress, Tagumpay na Naisagawa sa Batangas

“Ang tunay na lakas ng kooperatiba ay nanggagaling sa pagsasama-sama ng mga tao, ng kanilang mga kakayahan, puhunan, panahon at kaalaman. Kapag nangyari ito, mas magiging matatag sila at mas maraming matutulungan.” – Governor Vilma Santos-Recto
Ito ang binigyang-diin ni Governor Vilma Santos-Recto sa matagumpay na pagdaraos ng 20th Southern Tagalog Cooperative Congress (STCC26) sa Lipa City Convention Center, Lungsod ng Lipa noong ika-7 hanggang ika-9 ng Oktubre 2026.

Naging punong-abala sa pagtitipon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Cooperative and Livelihood Enterprise Development Office (PCLEDO), na pinamumunuan ni PCLEDO head Celia Atienza, katuwang ang Pamahalaang Panlungsod ng Lipa.

Dinaluhan ito ng mga lider at kinatawan ng mga kooperatiba sa buong rehiyon ng CALABARZON upang talakayin ang mga hakbang at estratehiyang magpapatatag sa sektor ng kooperatiba at magpapalawak sa ambag nito sa pag-unlad ng kabuuang ekonomiya.

Sa temang “Convergence of Coop Champions: Advancing Economic Growth and Institutional Development of Cooperatives,” binigyang-diin sa kongreso ang kahalagahan ng pagkakaisa, pagbabahagi ng kaalaman, at pagtutulungan sa pagpapalago ng mga kooperatiba.

Sa loob ng tatlong araw, nagsagawa ng mga talakayan tungkol sa mga programa at proyekto ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Science and Technology (DOST), at Department of Labor and Employment (DOLE).

Tinalakay rin ang pamamahala at regulasyon ng mga kooperatiba, gayundin ang mga oportunidad na makakuha ng pinansiyal na suporta mula sa Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, at Small Business Corporation.

Nagtapos ang kongreso sa mga interactive plenary session kasama ang Cooperative Development Authority (CDA) at sa presentasyon at pagpapatibay ng Southern Tagalog Cooperative Development Council (STaRCDC) Strategic Plan para sa 2026–2028.

Sa naging mensahe naman ni Gng. Celia Atienza, kaniyang ipinunto na, “…’yun pong ating ginagawa sa labas ng lalawigan ay ipinagmamalaki natin dahil hindi natin magagawa, hindi ko magagawa kung wala akong matibay na gobernador [Gov. Vilma Santos-Recto]…kaya naming ipagmalaki na ang mga kooperatiba sa Batangas ay talagang malalakas. Ito po ‘yung gusto nating i-establish.

Dagdag pa niya, nararapat lang din na palakasin ang mga cooperative development councils, hindi lamang sa pangnasyunal at pangrehiyon na antas, kundi pati na rin sa provincial, city, at municipal levels.

“This is not only for the national council. This is not only for the regional, but we would like to strengthen the provincial, city, and municipal cooperative development councils. Patunayan po natin na tayong nasa lokalidad is really the partner of the national agency in pushing the cause of our cooperative sector,” ani Gng. Atienza.

Matatandaan na noong 2026 State of the Province Address (SOPA) ni Gov. Santos-Recto, buong pagmamalaking ipinabatid ng tanggapan ng PCLEDO, na ang Lalawigan ng Batangas na ang kinikilalang may pinakamataas na bilang na sumunod sa mga itinakdang pamantayan at nabigyan ng Certificate of Compliance sa buong rehiyon ng CALABARZON.

Bukod dito, sa walang patid din na pagtutok at suporta ng pamahalaang panlalawigan, nakapagtala ang Batangas ng 3 bilyonaryong kooperatiba, na pinakamataas din na bilang sa buong Region IV-A.

Mula Hulyo 2025 hanggang Hunyo 2026 naman, umabot na sa ₱17.5 milyon ang naipagkaloob na Cooperative Loan Assistance, habang pinalawig din ng Kapitolyo ang pagbibigay ng Individual Livelihood Assistance na may halagang ₱2.05 milyon.

Samantala, sa patuloy na paggabay ni Gov. Santos-Recto at ng kaniyang H.E.A.R.T.S. Program, walang-patid na isinusulong ng pamahalaang panlalawigan ang mga inisyatibong magpapalakas sa kakayahan ng mga kooperatiba at magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa kabuhayan at kaunlaran ng mga Batangueño.

𓂃🖋BPIO- Jayne Elarmo-Ylagan