Pinangunahan ni Governor Vilma Santos-Recto ang isinagawang panunumpa ng 257 health professionals o Human Resources for Health (HRH), na magsisilbing mga bagong katuwang ng pamahalaan sa pagpapalakas ng Health Workforce sa Lalawigan ng Batangas, ngayong araw, ika-9 ng Marso 206, na ginanap sa DREAM Zone, Capitol Compound, Batangas City.
Ang mga nanumpang health workers ay binubuo ng 2 Doctors to the Barrio (DTTB), 221 Nurses, 20 Midwives, 2 Dentists, 5 Pharmacists, 5 Medical Technologists, at 2 Nutritionist-Dietitians, na pawang mga magiging bahagi ng National Health Workforce Support System (NHWSS) ng Department of Health (DOH), kung saan may layunin na palakasin ang kapasidad ng mga serbisyong pangkalusugan sa bansa.
Bukod dito, isa rin sa adhikain ng NHWSS ay ang mapabuti ang access ng mga mamamayan sa dekalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan, lalo na sa mga priority at underserved areas. Sa ilalim ng programang ito, ipapadala ang mga HRH o medical professionals sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan, partikular sa mga Rural Health Units (RHU), upang suportahan ang lokal na sistemang pangkalusugan.
Tinutugunan din ng programa ang kakulangan ng health professionals sa mga prayoridad na lugar na titiyak sa pagsusulong ng pantay na distribusyon ng health workers sa buong bansa. Ang NHWSS ay bahagi rin ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na maisakatuparan ang layunin ng Universal Health Care (UHC) Act na mabigyan ng mas maayos na serbisyong pangkalusugan ang bawat Pilipino.
Sa implementasyon ng NHWSS, mahalaga ang gagampanang papel ng mga Centers for Health Development (CHDs) at Provincial DOH Offices, na siyang mangunguna sa recruitment, pre-deployment orientation, technical assistance, at monitoring ng performance ng mga health workers. Sa prosesong ito, magiging katuwang ang Local Government Units (LGUs) sa pagbibigay ng administrative supervision, logistical at financial support, at pagpapatupad ng mga safety protocols para sa mga naka-deploy na health personnel.
Responsibilidad naman ng mga health workers na naka-deploy na maghatid ng dekalidad at makataong serbisyong medikal, magsagawa ng mga programang pangkalusugan sa komunidad, tumugon sa mga health emergencies, at makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang higit pang mapalakas ang implementasyon ng UHC.
Samantala, ang panunumpa at deployment ng mga health workers ay naisakatuparan sa ilalim ng pangangasiwa at paggabay ng DOH – Center for Health Development CALABARZON, sa pangunguna ni Dr. Voltaire Guadalupe, katuwang ang Provincial DOH Office – Batangas, na pinamumunuan naman ni PDOHO Team Leader, Dr. Eloisa Baylosis Derain.



