
Matagumpay na idinaos ngayong araw, ika-14 ng Nobyembre 2025, ang 33rd National Children’s Month Celebration sa DREAM Zone, Capitol Site, Batangas City, mula sa pangunguna ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), katuwang ang mga Child Development Workers, mga ahensyang nangangalaga sa karapatan ng mga kabataan, at mga child advocates mula sa iba’t ibang bahagi ng probinsya.
Ang selebrasyon ngayong taon ay sumentro sa temang “OSAEC-CSAEM WAKASAN: Kaligtasan at Karapatan ng Bata, Ipaglaban!,” na nagpatibay sa mga programa patungkol sa panawagan para sa mas matatag na proteksyon ng kabataan laban sa online sexual abuse at exploitation.
Personal na dumalo si Governor Vilma Santos-Recto sa nasabing pagtitipon, na nagpaabot ng kanyang personal na mensahe at pakikiisa sa programa. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng pamahalaan, paaralan, pamilya, at komunidad upang mapangalagaan ang karapatan ng mga bata at matiyak ang kanilang kaligtasan laban sa anumang uri ng pang-aabuso.
Naging bahagi rin ng isinagawang pagdiriwang ang isang talakayan na nakatuon sa pagpapalakas ng mga programa pagdating sa teenage pregnancy, pati na rin sa tamang paggamit ng social media at netiquette, na pinangunahan nina Ms. Maren Baret, Executive Director ng SHARE Inc., at Ms. Riza Sevilla, Program Coordinator.
Samantala, bukod kay Gov. Santos-Recto, nakiisa rin sa naturang programa sina 2nd District Board Members Maria Reina Abu-Reyes at Jently Rivera, bilang pagpapakita ng kanilang aktibong pagsuporta sa adbokasiya para sa kaligtasan at karapatan ng mga kabataan.



