3rd Roll Out ng Capitol on Wheels, Dumaong sa Islang Bayan ng Tingloy

Matapos ang paglarga sa Mabini, tumawid naman ng dagat ang Capitol on Wheels patungong Islang Bayan ng Tingloy noong ika-16 ng Abril 2026.

Magkakasamang sumakay ng mga bangka ang delegasyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Gov. Vilma Santos – Recto, kasabay ang mga national government agency (NGA) partners nito, upang dalhin ang mga pangunahing serbisyo publiko ng gobyerno sa mga kababayan sa nasabing island municipality na bahagi ng Ikalawang Distrito ng lalawigan.

Halos 2 libong mga kababayan ang nabigyan ng direktang serbisyo, bukod pa ang mga proyektong para sa buong bayan at mga barangay.

Mainit na tinanggap ng mga taga-Tingloy ang mga lingkod bayan mula sa Provincial Health Office na nagdala ng iba’t ibang serbisyong medikal, kabilang ang internal medicine, pediatrics, OB-GYN, dental services, circumcision, minor surgeries, hearing assessment, ECG at laboratory sa 945 na mga pasyente; Provincial Agriculture Office, na namahagi ng mga vegetable seed packs at lambat sa 350 na mga benepisyaryo; at Provincial Assistance for Community Public Employment Youth and Sports Development Office na nagpaabot ng financial assistance para sa mga kagamitan para sa mga tanggapan ng 5 barangay ng Tingloy na nagkakahalaga ng ₱275,000.

51 mga iskolar naman ang napaabutan ng kanilang educational assistance sa pamamagitan ng Provincial School Board.

Tumanggap din ang 210 na mga sectoral volunteers ng kani-kanilang mga honorarium mula sa Provincial Social Welfare and Development Office, Provincial Public Order and Safety Department at PHO.

Bukod dito, nabigyan ng Certificates of Registration ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office ang 33 na mga Homestay and Boat Operators, at nakapagsagawa ng monitoring sa 2 homestay operators.

Sa bahagi naman ng mga NGA, 319 na mga taga Tingloy ang nabigyan ng serbisyo ng PhilHealth sa pamamagitan ng pag-rehistro at update ng kanilang membership at sumailalim sa YAKAP registration, at Philippine Statistics Authority sa pagkuha ng national identification card.

Kasabay nito, isinagawa ang Turn Over Ceremony ng ICT equipment para sa pormal na paglulunsad ng Tingloy Digital Library and Digital Transformation Center, gayundin ng SPARK Technical Training Program mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT) IV-A.

Binigyang-diin ng gobernadora ang kahalagahan ng digital connectivity sa edukasyon, kabuhayan, at serbisyong pampubliko, lalo na sa mga isla at liblib na komunidad, dahil, aniya, sa matatag na Batangas tunay na walang naiiwan, nasaan man ang mga kababayan.

Ang inisyatibong ito ay bunga ng pagtutulungan ng pamahalaang panlalawigan at pamahalaang nasyunal upang maisakatuparan ang layunin na magkaroon ng libreng public internet access sa Islang Bayan ng Tingloy, at higit pang mapatatag ang koneksyon ng komunidad sa makabagong teknolohiya, sang-ayon sa H.E.A.R.T.S. Program ni Gov. Santos-Recto.

Ang Capitol on Wheels ay isang proyektong inilunsad ngayong taon, sang-ayon sa mandato ni Gov. Santos-Recto, upang mabilis at maayos na maihatid ang mga serbisyo publiko sa mga kababayan kung nasaang bayan sila mismo, at hindi na nila kailangang dumayo at bumiyahe patungo sa mismong tanggapan ng pamahalaang panlalawigan sa Lungsod ng Batangas.

Katuparan ito ng sinasabi ng Batangas Governor na magtatrabaho ang Kapitolyo na may mabilisang aksyon, malinaw na solusyon, at napakikinabangang resulta.

Nakiisa sa Tingloy ang pamunuan ng pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna nina Provincial Administrator, Atty. Joel Montealto, Chief of Staff Pedrito Martin Dijan, Jr. at Provincial Engineer Nerio Ronquillo, Jr. Batangas Capitol PIO