“All here. So near.” Tourism Brand Campaign ng Batangas, bumida sa Travel Sale Expo 2025

Sa kauna-unahang pagkakataon, nakilahok at ibinida ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO), ang ganda at natatanging yaman ng turismo at kultura ng Lalawigan ng Batangas sa ginanap na 3rd Travel Sale Expo sa Megatrade Hall, SM Megamall, Mandaluyong City noong ika-26 hanggang 28 ng Setyembre 2025.

Kasama ang halos mahigit sa 180 exhibitors mula sa iba’t ibang panig ng bansa, bitbit ng probinsya sa expo ang muling kalulunsad lamang na tourism brand campaign ng Batangas na “All Here. So Near.,” kung saan tampok ang mas pinatingkad, pinasigla, at pinalakas na tourism promotion initiatives ng pamahalaang panlalawigan.

Sa newly-relaunched campaign, sentro nito ang bisyon ni Governor Vilma Santos-Recto para sa pagkakaroon ng isang matatag na sektor ng turismo, na inaasahang makatutulong at makapaghahatid ng malaking ambag sa pagpapalago ng kabuuang ekonomiya ng lalawigan.

Kaakibat nito, isa ang pamamahagi ng brand kits sa mismong venue ng travel sale expo bilang pamamaraan ng PTCAO upang ibida ang turismo ng probinsya, nang sa gayon ay maka-engganyo pa ng mas maraming bisita o turista na tatangkilik sa ganda ng 34 na mga bayan at lungsod ng Batangas. Ang naturang brand kit ay nagpapakita ng mga ipinagmamalaking local delicacies, religious sites, at pamosong travel destinations na mayroon ang lalawigan.

Samantala, ang delegasyon ng PTCAO na pinangungunahan ni Officer-in-Charge Jaida Castillo, kasama ang mga kawani ng kanilang tanggapan, ay sama-samang nakiisa sa makulay na pagbubukas ng expo, kung saan kabilang sa mga aktibong dumalo at nakilahok sina Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco, katuwang ang mga kinatawan mula sa Department of Trade and Industry (DTI), Department of Foreign Affairs (DFA), at mga ambassadors o representatives ng ilang mga bansa sa Asya.

Ang Travel Sale Expo 2025, na may temang “Your Gateway to the World,” ay pinangasiwaan ng DOT, Tourism Promotions Board, Global Tourism Business Association (GTBA), DTI, at OneKlik Events Management Services, na nagsilbing organizer ngayong taon. Layunin nito na magsilbing platform para maitampok ang “diverse” Tourism and Hospitality Industry ng Pilipinas.

𝗠𝗮𝗿𝗸 𝗝𝗼𝗻𝗮𝘁𝗵𝗮𝗻 𝗠. 𝗠𝗮𝗰𝗮𝗿𝗮𝗶𝗴 – 𝗕𝗮𝘁𝗮𝗻𝗴𝗮𝘀 𝗣𝗜𝗢 𝗖𝗮𝗽𝗶𝘁𝗼𝗹 / 𝗣𝗵𝗼𝘁𝗼𝘀: 𝗕𝗮𝘁𝗮𝗻𝗴𝗮𝘀 𝗣𝗧𝗖𝗔𝗢