Pormal nang inumpisahan ang unang serye ng assessment at validation para sa Matatag na Batangas Awards – Visionary Leadership Towards Sustainable and Resilient (MBA-VSR) Local Government Units (LGUs) nitong ika-21 ng Abril 2026 sa Batangas City, kung saan nagkaroon ng pagkakataon na makaharap ng mga opisyal at kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang mga counterpart mula sa Pamahalaang Lungsod ng Batangas para sa isang malayang talakayan tungkol sa mga best practices for good governance.
Malugod na tinangap ni Batangas City Mayor Marvey Mariño, kasama ang kanyang mga department heads at chief of offices, ang delegasyon ng Kapitolyo, na pinangungunahan nina Provincial Administrator, Atty. Joel Montealto at MBA-VSR Lead Convenor and Chief of Staff Pedrito Martin Dijan Jr., kaisa ang buoung pamunuan ng iba’t ibang departamento sa pamahalaang panlalawigan. Naging katuwang dito ang Department of the Interior and Local Government (DILG) – Batangas, na pinangungunahan naman nina OIC – Provincial Director Robinson Maac at Former DILG Assistant Secretary and MBA-VSR Technical Adviser, Ms. Florida Dijan.
Sa kanyang mensahe ng pagtangap, ipinaabot ni Mayor Mariño ang pasasalamat sa liderato at pamunuan ni Governor Vilma Santos-Recto sa paglulunsad ng programang naglalayong lalong palakasin ang kakayahayan ng mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pagbuo ng mga collaborative projects na nagsusulong ng pangkalahatang pag-unlad ng lipunan.
Bukod dito, taos-puso ring pinasalamatan ni Mayor Mariño si Executive Secretary Ralph G. Recto sa patuloy na pagbibigay-suporta at gabay nito sa mga lokal na pamahalaan ng lalawigan sa tulong ng iba’t ibang National Government Agencies.
Sa loob ng Batangas City Convention Center, magkakasamang pinangasiwaan ng mga miyembro at opisyal ng MBA-VSR ang pagsasagwa ng validation and assessment sa mga programang sumasalamin o sumasaklaw sa H.E.A.R.T.S. Program ni Gov. Santos-Recto.
Binigyang-diin sa isinagawang pagtatasa ang kahalagahan ng kolaborasyon sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan, mga lokal na pamahalaan, at DILG sa pagbuo ng pundasyon sa pagpapalakas ng kapasidad ng pamamahala sa buong lalawigan, na bumabatay sa Seal of Good Local Governance (SGLG) na siyang pamantayan ng isang malinis at matatag na pamamahala.
Layuning itaguyod ng MBA-VSR ang mga best practices ng mga lokal na pamahalaan sa kabuuan ng lalawigan upang mapagtibay ang ‘frameworks of good governance thru collaboration,’ na magiging inspirasyon sa pagpapaabot ng primera, matatag, malinis, at epektibong serbisyo publiko sa mahahalagang sektor ng pamamahala, tulad ng Health, Education, Agriculture, Roads, Tourism, at Security sa Batangas.
Edwin Zabarte / Batangas PIO



