
“May pag-asa pa rin ang bukas sa inyo.”
Ito ang taos-pusong bilin ni Governor Vilma Santos-Recto sa mga kabataang kasalukuyang nasa Bahay Pag-asa ng Batangan, ang pansamantalang tirahan ng mga Children in Conflict with the Law o CICL.
Nakiisa si Gov. Santos-Recto sa pagdiriwang ng ika-10 taong anibersaryo ng Bahay Pag-asa ng Batangan sa Lungsod ng Batangas, na may temang “Isang Dekada ng Pag-Asa: Pagbabagong Buhay para sa Matatag na Batang Batangan,” ngayong araw ika-18 ng Marso 2026.
Sinimulan ang okasyon sa isang misa na pinangunahan ni Rev. Fr. Leonido “Noni” Dolor bilang pasasalamat sa isang dekadang patuloy ang misyon ng institusyon sa paghubog at paggabay sa mga kabataang nasangkot sa paglabag sa batas.
Kasunod nito, nagbigay naman ng kanyang mensahe si Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) Department Head Etheldrida Luistro, na binigyang-diin na hindi lamang isang pasilidad ang Bahay Pag-asa, kung hindi ay isang tahanan ng pagbabago sa mga kabataang naligaw ng landas at may kakayahang magbago at mabigyan ng pag-asa.
Dagdag pa ng Batangas Governor, naniniwala siya sa kakayahan ng bawat kabataan sa nasabing institusyon na magbago. Kinakailangan lang aniyang piliin pa rin nilang tumindig, magbago, at matapang na harapin ang isang panibagong simula. Binigyang-diin pa niya, na ang bawat pagkakamali ay hindi katapusan ng kanilang kwento, kundi bahagi lamang ng proseso tungo sa paghilom at pagbangon.
Patuloy na paglinang ng Bahay Pag-asa
Naging tampok ng pagdiriwang ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Bahay Pag-asa ng Batangan, na kinatawan nina Governor Santos-Recto at PSWDO chief Ethel Luistro; Canossa Academy, sa pangunguna nina Sr. Leonor Dijan at Sr. Aurea De Vera; at De La Salle Lipa Inc., na kinatawan ni Dr. Teodosia Merlin Suarez, ang kanilang College Chancellor.
Layunin ng kasunduang ito na higit pang pagtibayin ang kanilang ugnayan at sama-samang pagkilos sa pagpapaunlad ng mga programang pang-edukasyon at paghubog sa kabataan, upang mapalawak ang kanilang kamalayan sa mga umiiral na realidad ng lipunan at mahikayat silang maging aktibong kabahagi sa pagtataguyod ng makatao at makabuluhang pagbabago sa komunidad.
Isinagawa rin dito ang opisyal na turnover ceremony ng Egg-Laying Chicken Project at Fish Farming Project, na pinangunahan naman ng Batangas Provincial Agriculture Office at Provincial Veterinary Office. Bilang bahagi ng kanilang mga livelihood initiatives, nagbigay ang mga nasabing tanggapan ng 25 egg-laying chickens, pati na rin ng mga fingerlings ng hito at tilapia, upang mabigyan ng pagkakataon ang mga residente ng pasilidad na matutunan ang panibagong kasanayan sa pag-aalaga ng hayop, kasabay ng pagsuporta sa supply ng pagkain.
Pagpapatotoo sa Pagbabago
Isa sa mga pinakahihintay na bahagi ng programa ang testimonial ng dating residente ng Bahay Pag-asa na si “Derick” mula sa Lipa City na naging bahagi ng pasilidad noong 2021 at ngayon ay isa nang college graduate na nagtapos ng Bachelor of Science in Communication Arts. Patunay si Derick na ang gabay, disiplina, at pangalawang pagkakataon ay maaaring magbukas ng mas magandang kinabukasan para sa mga kabataan.
Nagbahagi rin ng kanyang kuwento at taos pusong pasasalamat ang isang magulang ng dating resident ng bahay, na si Ms. Mary Magsino mula sa Balayan, Batangas, na nagpatotoo sa malaking papel ng Bahay Pag-asa sa pagbabago ng kaniyang anak.
Nagbahagi rin ng pagkilala ang PSWDO sa iba’t ibang naging katuwang nitong institusyon at partner agencies sa pagpapatupad ng mga programa para sa kapakanan at rehabilitasyon ng mga kabataan sa loob ng pasilidad.
Dumalo rin sa nasabing pagdiriwang sina 2nd District Board Member Reina Abu-Reyes, Chairperson ng Committee on Women and Family; Municipality of Agoncillo Mayor, Atty. Cindy Reyes; mga department heads ng Kapitolyo; at mga kinatawan ng mga civic at private organizations, religious sector, academe, at partner agencies.



