Mabilis na binigyan ng aksyon at pagtugon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang kasalukuyang kinakaharap na isyung pangkalikasan ng Bayan ng Lobo sa pamamagitan ng isang pagpupulong na ginanap ngayong araw, ika-15 ng Enero 2026, sa Batangas Provincial Information Office Conference Room sa Kapitolyo, Lungsod ng Batangas.
Ang naturang isyu ay patungkol sa ongoing construction ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) Terminal at Refilling Plant ng Pryce Gases, Inc. (PGI), na matatagpuan sa Barangay Talahib Pandayan, Batangas City, na nasa border o hangganan ng Batangas City at Bayan ng Lobo.
Bunsod ng maraming mga negatibong ulat tungkol sa nasabing proyekto na nakarating kay Gov. Vilma Santos-Recto, minarapat niyang ipatawag ang mga may kinalaman dito upang alamin at maaksyunan agad ang mga isyu at usapin.
Pinangunahan naman nina Provincial Administrator, Atty. Joel Montealto, at Chief of Staff Pedrito Martin Dijan, Jr. ang pagpupulong upang bigyang-daan ang pagtugon sa mga hinaing ng mga residente ng Bayan ng Lobo, partikular ang mga mamamayan ng Barangay Banalo.
Mga Nakitang Paglabag
Batay sa resolusyon na inihain ng Sangguniang Bayan ng Lobo, na nagpapakita ng mariing pagtutol sa nasabing proyekto, nagkaroon ang PGI ng ilang mga paglabag na kasalukuyang nakakaapekto sa kalusugan, kalikasan, ekonomiya, at turismo ng mga residente ng Brgy. Banalo.
Ilan sa mga nakitang paglabag ay ang kawalan ng public consultation hearing o imbitasyon sa pormal na pagpupulong sa mga residente ng Banalo, gayung natukoy ito, mula sa mga isinagawang assessment ng Department of Environment and Natural Resources Office, bilang adjacent barangay na direktang maaapektuhan ng proyekto.
Nakasaad din sa resolusyon na hindi naipaalam ng PGI ang patungkol sa proyekto at walang naganap na konsultasyon sa pagitan ng Pamahalaang Bayan ng Lobo, gayun din sa provincial level o sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas.
Dagdag pa rito, nasuri rin na ang separation distance ng proyekto mula sa Banalo Elementary School ay nasa 42.3 meters lamang, lubos na mababa kumpara sa recommended 100 meters na distansya na mandato ng Section 40 ng Department of Energy Circular No. DC2020-01-0001.
Bukod pa rito, ang karagatan ng Bayan ng Lobo ay bahagi ng Verde Island Passage at ang Barangay Banalo naman ay mayroong designated Coral Reef Sanctuary na labis na maaapektuhan ng mga potensyal na waste discharge ng PGI sa karatig nitong katubigan. Mataas din ang tyansa ng oil spill contamination mula sa mga barko na dadaong para magkarga ng LPG.
Hindi rin nakapagpresenta ang PGI ng aprubadong contingency plan sa makailang paghingi ng Sangguniang Bayan ng Lobo at kawalan ng maipresentang Certification of Objection mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na isang requirement bago ipaganap ang proyekto.
Mariing pagtutol at agarang pag-aksyon ng Kapitolyo
Sa kabila ng pagkakaroon ng Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa DENR, sa pamamagitan ng Environmental Management Bureau (EMB) nito, iminungkahi ng mga kinatawan ng pamahalang panlalawigan ang agarang pagsuspinde sa proyekto.
Sa pag-aksyon ng pamahalaang panlalawigan dito, iginagalang naman ng mga opisyal ng Kapitolyo ang naging proseso kung paano nakuha ng PGI ang ECC mula sa DENR at permiso mula sa Pamahalaang Lungsod ng Batangas, ngunit kinakailangan anila na masuspinde muna ang proyekto at magkaroon pa ng masinsinang imbestigasyon upang maayos na matuldukan ang nabanggit na isyu.
Kaugnay nito, nakatakda na ring magkakaroon ng isang hearing sa Sangguniang Panlalawigan para sa pagpapatibay ng hangarin ng pamahalaang panlalawigan na mabigyan ng solusyon ang problema ng mga residente ng Brgy. Banalo.
Sa huli, ipinarating ni Atty. Montealto na agad siyang nakipag-ugnayan sa DENR at City Government of Batangas upang imungkahi ang paninindigan ni Gov. Santos-Recto na ipatigil ang isinasagawang konstruksyon ng PGI sa lalong madaling panahon.
Ang pagpupulong ay dinaluhan din nina Lobo Mayor Emong Alfiler, kasama ang ilang mga miyembro ng kanilang Sangguniang Bayan at mga opisyal ng Barangay Banalo. Naging kaisa rin dito sina Office of the Governor head Sarah Adolfo, Provincial Government – Environment and Natural Resources Office – Officer-in-Charge, Dr. Marivic Esmas, Provincial Legal Officer, Atty. Louie Mark Dalawampu, at mga kinatawan mula sa municipal and provincial level na sangay o field offices ng DENR.
Mark Jonathan M. Macaraig / Photos: Junjun De Chavez – Batangas PIO Capitol



