Batangas Capitol, Lalong Pinatitibay ang Suporta sa mga Batangueñong Kampeon sa Palarong Pambansa

BATANGAS CITY — Ang bawat medalya ay bunga ng walang sawang pagsisikap, disiplina, at pangarap.

Bilang pagkilala sa mga kabataang nagbigay ng karangalan sa lalawigan, iginawad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang mga insentibo sa mga student-athletes at coaches na matagumpay na kumatawan sa Batangas sa 66th Palarong Pambansa na ginanap sa Agusan del Sur noong Mayo 2026.

Personal na ipinagkaloob ni Governor Vilma Santos-Recto ang insentibo sa 11 student-athletes at 11 coaches at trainers bilang pagkilala sa kanilang natamong tagumpay at sa inspirasyong kanilang naidudulot sa kapwa kabataan.

Nag-uwi ang delegasyon ng Batangas ng kabuuang 24 medalya—apat na ginto, pitong pilak, at labindalawang tanso—mula sa iba’t ibang larangan ng palakasan kabilang ang Pencak Silat, Athletics, Chess, Table Tennis, Swimming, at Archery.

Ang kanilang tagumpay ay sumasalamin sa patuloy na paghubog ng lalawigan sa mga kabataang may husay, disiplina, at determinasyong magtagumpay. Namukod-tangi si Sam Garcia, ang pinaka-medaled na atleta mula Tuy, Batangas, matapos magwagi ng gold, silver, at bronze medals sa Discus Throw, Shot Put, at Javelin Throw, ayon sa pagkakasunod.

Nagwagi rin ng mga gintong medalya sina Noriel Magadia (Pencak Silat), Ziljhan Carlo Gad (discus throw), at Marianne Kristina Barlan (Chess). Silver medals naman ang mga napanalunan nina Abdiel Seraph Hipolito (Table Tennis), Peter Jaime Mores (Table Tennis), at Andrei Masipag (Swimming). Habang nakuha nina Magadia (Pencak Silat), Barlan (Chess), Hipolito (Table Tennis), Mores (Table Tennis), Masipag (Swimming), Maria Cassandra De los Arcos (Pencak Silat), Terrence Jade Rojales (Swimming) at Winnmore Dimaala (Archery) ang bronze medals.

Ayon sa Pamahalaang Panlalawigan, ang pagbibigay ng insentibo ay hindi lamang pagkilala sa mga medalya kundi isang pamumuhunan sa kinabukasan ng kabataan. Layunin nitong hikayatin ang mas maraming Batangueño na pagsabayin ang kahusayan sa pag-aaral at sa larangan ng palakasan, habang kinikilala rin ang mahalagang papel ng mga coaches at trainers sa paghubog ng mga susunod na kampeon.

Nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat ang Department of Education Schools Division of Batangas, sa pangunguna ni Schools Division Superintendent Dr. Marites A. Ibañez, sa patuloy na suporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagpapaunlad ng kakayahan ng mga guro, mag-aaral, at student-athletes.

Ang pagkilala sa mga atletang ito ay isa lamang sa mga patunay ng patuloy na pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa kabataan sa ilalim ng HEARTS Program ng kasalukuyang administrasyon. Sa bawat medalya at bawat pangarap na natutupad, lalong pinagtitibay ng Batangas ang paniniwalang ang kabataan ang tunay na lakas at pag-asa ng lalawigan

Batangas Capitol PIO