Batangas Capitol, Nakiisa sa International Coastal Cleanup 2026

Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa International Coastal Cleanup 2026, sa pamamagitan ng pagsasagawa at pakikibahagi sa sabayang paglilinis sa mga baybaying dagat ng lalawigan, mga baybayin ng Lawa ng Taal, at mga ilog sa iba’t ibang bahagi ng Batangas ngayong araw, ika-19 ng Setyembre 2026.

Sa San Juan River, na bumabaybay sa Lungsod ng Sto. Tomas, personal na nakilahok sa paglilinis si Gov. Vilma Santos-Recto, kasama ang mga department head at iba pang opisyal at kawani ng Kapitolyo.

Nagpasalamat naman si Mayor Arth Jhun Marasigan sa pagkakataong maipakita sa publiko ang San Juan River, isang daluyan ng tubig na, aniya, ay hindi karaniwang nararating o napapansin ng marami. Layunin nitong higit na maipakita ang kahalagahan ng ilog sa lungsod at ang pangangailangang mapangalagaan at mapagyaman pa ito.

Sa kanyang mensahe, pinuri ng gobernadora ang proyekto ng pamahalaang lungsod para sa San Juan River, kabilang ang pagtatayo ng mga pathway dito upang maging isang ganap na baywalk ang lugar.

Binigyang-diin din ni Gov. Vi ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kalinisan at maayos na daloy ng tubig sa ilog, lalo na sa harap ng pagtaas ng lebel ng tubig sa Lawa ng Taal, na iniuugnay sa siltation sa Pansipit River, gayundin ang mas malalakas at madalas na pag-ulan na nararanasan bunsod ng climate change.

Ayon sa gobernadora, maaaring pakinabangan ng tao ang likas na yaman, ngunit dapat itong gawin alinsunod sa wastong pamantayan upang maiwasan ang labis na paggamit, maling paggamit, at pang-aabuso sa mga likas na yaman.

Isinagawa rin ang isang scubasurero sa karagatang sakop ng Bayan ng San Luis, Batangas, kung saan nilinis ng mga divers ang mga basurang nakikita at nakukuha sa ilalim ng tubig. Hangad ng naturang aktibidad na makatulong sa pagpapanatili ng kalinisan ng karagatan at mapalawak ang kamalayan sa kahalagahan ng pangangalaga sa yamang-dagat.

Naging kabahagi ng pangkalikasang aktibidad ang mga department heads ng Kapitolyo, sa pangunguna ni Chief of Staff Jun Dijan; mga opisyal ng Pamahalaang Panlungsod ng Sto. Tomas, Vice Mayor Catherine Jaurigue-Perez; mga Kapitan ng Lungsod ng Sto. Tomas; mga opisyal ng Civil Service Commission, sa pangunguna ni Regional Director Atty. Marites Lappay; mga kinatawan iba’t ibang national government agencies; at mga residente ng Barangay Poblacion I ng nasabing lungsod, na nagsilbing host community ng isinagawang coastal cleanup.

VIAltar – Batangas Capitol PIO