Batangas, kaisa sa ‘Bawat Bayan Makikinabang’ Program ng Pamahalaang Nasyunal

Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa paglulunsad ng Pamahalaang Nasyunal ng programang “Sa Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang’ ngayong araw, ika-23 ng Pebrero 2026, sa Heroes Hall ng Malacañan Palace.

Ang naturang pagtitipon ay pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., kasama si Executive Secretary (ES) Ralph Recto, at dinaluhan ng mga Local Chief Executive sa bansa, kung saan nagsilbing kinatawan ng Batangas si Governor Vilma Santos-Recto.
Layunin ng programa na mabigyan ng kapasidad ang mga lokal na pamahalaan sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng pondo mula sa 2026 General Appropriations Act (GAA), na may malaking alokasyon ngayong taon para sa Local Government Support Fund o LGSF. Kabilang sa LGSF ang ilang mga allotment ng pondo sa Financial Assistance to LGUs (FALGU), Growth Equity Fund (GEF), Support to the Barangay Development Program (SBDP/NTF-ELCAC), at Support and Assistance Fund to Participatory Budgeting (SAFPB).

Bukod dito, sa pakikipagtulungan ng pamahalaang nasyunal sa mga lokal na pamahalaan, matitiyak nito na matatanggap ng mga higit na nangangailangang mamamayan ang suporta para sa mga pangunahing pangangailangan, tulad ng seguridad sa pagkain, serbisyong medikal, dekalidad na edukasyon, at pangkabuhayan.

Nagbigay-daan naman ang pagtitipon upang maipagkaloob ni Pangulong Marcos ang FALGU Rice Approval Letter sa mga League Officers ng iba’t ibang samahan na sumasaklaw sa mga lokal na pamahalaan sa buong bansa. Kalahati o halos 50 porsyento ng inilaang pondo ay inaasahang mapupunta sa malawakang rice distribution program para sa mga natukoy na pamilya na makatatanggap ng 10 kilo ng bigas sa loob ng anim na buwan bawat taon.

Sa naging pambungad na mensahe ni ES Recto, ipinarating niya sa mga dumalong opisyal ng gobyerno na ang nais lamang ng pamahalaan ay magamit ang pondo sa wastong pamamaraan at makapaghatid ng episyente at epektibong proyekto na tunay at tiyak na nararamdaman ng mga Pilipino. Ayon sa kaniya, “𝑶𝒖𝒓 𝒎𝒆𝒔𝒔𝒂𝒈𝒆 𝒊𝒔 𝒅𝒊𝒓𝒆𝒄𝒕: 𝒅𝒆𝒍𝒊𝒗𝒆𝒓 𝒘𝒊𝒕𝒉𝒐𝒖𝒕 𝒅𝒆𝒍𝒂𝒚, 𝒔𝒑𝒆𝒏𝒅 𝒘𝒊𝒕𝒉 𝒅𝒊𝒔𝒄𝒊𝒑𝒍𝒊𝒏𝒆, 𝒃𝒖𝒊𝒍𝒅 𝒘𝒊𝒕𝒉 𝒊𝒏𝒕𝒆𝒈𝒓𝒊𝒕𝒚, 𝒂𝒏𝒅 𝒎𝒂𝒌𝒆 𝒓𝒆𝒔𝒖𝒍𝒕𝒔 𝒗𝒊𝒔𝒊𝒃𝒍𝒆, 𝒎𝒆𝒂𝒔𝒖𝒓𝒂𝒃𝒍𝒆, 𝒂𝒏𝒅 𝒇𝒆𝒍𝒕 𝒃𝒚 𝒕𝒉𝒆 𝑭𝒊𝒍𝒊𝒑𝒊𝒏𝒐𝒔.”

Samantala, ang Lalawigan ng Batangas, kasama ang iba pang mga local government units (LGUs) sa bansa, ay nagpahayag na rin ng kanilang suporta at pasasalamat sa pamahalaang nasyunal para sa pagbibigay ng kapasidad na mabilis na matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang nasasakupan. Nangako rin ang mga LGUs sa isang bukas at may pananagutang pagpapaganap ng mga programang pinondohan gamit ang LGSF.

Ang pakikiisa ng Batangas sa programa ay sumasalamin din sa adhikain ni Gov. Santos-Recto na mapabilis at mailapit ng direkta ang serbisyo sa mga mamamayang Batangueño at mailaan ang buwis ng publiko sa mga proyektong higit na mapapakinabangan ng nakararami.

𝙈𝙖𝙧𝙠 𝙅𝙤𝙣𝙖𝙩𝙝𝙖𝙣 𝙈. 𝙈𝙖𝙘𝙖𝙧𝙖𝙞𝙜 – 𝘽𝙖𝙩𝙖𝙣𝙜𝙖𝙨 𝙋𝙄𝙊 𝘾𝙖𝙥𝙞𝙩𝙤𝙡