
Nakiisa ang Lalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Pamahalaang Bayan ng Balayan, sa buong bansa sa sabayang pagsasagawa ng 4th Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) 2026 noong ika-5 ng Nobyembre 2026, ganap na alas-9:00 ng umaga, sa Barangay San Piro bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng kahandaan at kaligtasan ng publiko laban sa mga panganib na dulot ng lindol at tsunami.
Pinangunahan ang aktibidad ni Municipal Mayor Elisa Ermita-Abad, na siya ring Chairperson ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMO) ng nasabing bayan, katuwang ang Office of the Civil Defense (OCD) CALABARZON na nasa ilalim ng pangangasiwa ni Regional Director Carlos Eduardo Alvarez III at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na pinamumunuan naman ni Provincial DRRM Officer-in-Charge, Ms. Fe Fernandez.
Nakatuon ang idinaos na aktibidad o simulation activity sa pagpapalakas ng kahandaan ng mga kinauukulang tanggapan at komunidad sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga wastong hakbang bago, habang, at pagkatapos ng lindol. Kabilang sa mga pangunahing isinusulong na pamamaraan ang Duck, Cover, and Hold, maayos na paglikas sa mga itinalagang evacuation area, at maagap na pagtugon sa mga posibleng insidente at emergency.
Kasabay rin ng pagsasagawa ng NSED ang obserbasyon sa World Tsunami Awareness Day 2026 na may temang “Resilience Starts with You,” na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng sapat na kaalaman tungkol sa mga panganib ng tsunami, pagtukoy sa mga ligtas na lugar at evacuation routes, at paghahanda ng bawat pamilya sa posibleng sakuna.
Matapos ang drill ay ginanap ang Evaluation o Hotwash kung saan tinalakay ang mga nangyari sa nasabing pagsasanay at ang mga bagay na maaari pang mapagbuti sa usaping kahandaan ng mga taga Balayan.
Kasabay ring nagsagawa ng drill ang mga Bayan ng San Luis, Malvar, at San Juan sa pamamagitan ng paggabay ng PDRRMO at sa patuloy na tagubilin ni Governor Vilma Santos-Recto para sa isang ligtas at matatag na komunidad.
Samantala, dumalo rin sa nasabing pagsasanay ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Department of Science and Technology-CALABARZON, Department of the Interior and Local Government-Batangas, at Department of Social Welfare and Development-CALABARZON, kasama ang iba pang mga lokal na ahensyang panseguridad tulad ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, at Philippine Coast Guard – Balayan. Vinson Roi De Chavez – Batangas Capitol PIO



