
Pinamunuan ni Governor Vilma Santos-Recto ang isang Response and Operational Briefing ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) noong ika-10 ng Agosto 2026, kung saan tiniyak ng Pamahalaang Panlalawigan na patuloy at maayos ang pagbibigay-tulong sa mga apektadong bayan matapos hagupitin ng pina-igting na Habagat, na dulot ng Severe Tropical Storm Maymay, ang iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Layunin ng pagpupulong na tiyakin ang tuluy-tuloy at maayos na koordinasyon ng iba’t ibang departamento sa pagbibigay-tulong sa mga apektadong komunidad.
Shelter Assistance at Suporta sa mga Pamilyang Apektado
Handang-handa ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pagbibigay ng shelter assistance para sa mga pamilyang nasira o nawalan ng tirahan dahil sa baha. Bilang agarang tugon, nagkaloob ang tanggapan ng mga sleeping kits para sa mga evacuation center sa Bayan ng Lian, na tumugon direkta sa nakikitang pangangailangan ng mga residenteng doon lumikas.
Road Clearing at Dredging Operations
Agarang ding tumugon ang Provincial Engineering Office sa pagsasagawa ng road clearing at dredging operations sa mga pangunahing lansangan at mga baradong daluyan ng tubig na naapektuhan ng malakas na pag-agos ng flood debris, partikular sa mga Bayan ng Lemery at Sta. Teresita.
Kalusugan at Hygiene Kits
Naghatid din agad ng tulong ang Provincial Health Office (PHO) sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahahalagang gamot, hygiene at wash kits sa Bayan ng Agoncillo. Bukod dito, isinagawa rin ang strategic deployment ng mga medical transport at medical team upang direktang umalalay sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha.
Sa panig ng Provincial Department of Health Office (PDOHO) kasama sina Regional Director Adriano F. Suba-An at Dr. Eloisa Baylosis Derdin, Provincial Health Team Leader, patuloy ang malapit na koordinasyon upang matiyak ang sapat at handang suplay ng gamot at bakuna — maging sa mga pamayanan o sa mga evacuation center sa buong lalawigan — kapag ito ay kinakailangan.
Suporta sa Agrikultura
Handa rin ang Provincial Agriculture Office at Provincial Veterinary Office na mag-augment ng tulong sa mga magsasaka at mag-aalaga ng hayop na nasalanta ang kabuhayan dulot ng pagbaha, partikular sa mga nasirang pananim at paghahayupan.
Pagpapahalaga ni Gobernador Santos-Recto
Ipinahayag ni Gobernador Vi ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga miyembro ng response team at mga departamentong agad na tumugon sa pangangailangan ng mga apektadong munisipalidad, bilang patunay ng determinasyon ng Pamahalaang Panlalawigan na tulungan ang bawat mamamayang naapektuhan ng kalamidad.
Nagpapakita ang mabilis at magkakaugnay na tugon ng iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan ng patuloy na kahandaan nito para sa kapakanan ng mga residenteng naapektuhan ng Habagat at Severe Tropical Storm Maymay.
Edwin Zabarte – Batangas Capitol PIO


