Batangas PHO, iba pang stakeholders sa lalawigan, nakiisa sa “Bakuna Eskwela” Program ng DOH

Isinagawa ang isang oryentasyon para sa School-Based Immunization (SBI) Program noong ika-19 ng Agosto 2025 na ginanap sa Jet Hotel, Lipa City, Batangas. Ang SBI o Bakuna Eskwela ay programang inilunsad ng Department of Health (DOH), sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd), Provincial DOH Office (PDOHO), at ng Batangas Provincial Health Office (PHO), na mula sa suporta at pagbibigay-prayoridad ni Governor Vilma Santos-Recto sa mga inisyatibong pangkalusugan.

Nilalayon ng programa na mabigyan ng proteksyon ang mga mag-aaral laban sa mga sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng bakuna, tulad ng tigdas, tigdas-hangin, tetano, dipterya, at Human Papillomavirus (HPV).

Ngayong buwan ng Agosto 2025, sinimulan ang kampanyang Bakuna Eskwela sa piling pampublikong paaralan sa rehiyon ng CALABARZON, at inaasahang palalawakin ito sa pambansang antas pagsapit ng Oktubre 2025. Kaugnay ng paglulunsad ng programa, ang mga guro ang itinalagang magbibigay ng impormasyon sa mga mag-aaral at kanilang mga tagapangalaga kaugnay ng petsa ng bakunahan.

Ang mga makakatanggap ng bakuna ay ang mga mag-aaral sa Grade 1 at Grade 7, na tatanggap ng bakunang Measles-Rubella (MR) at Tetanus-Diphtheria (Td), habang ang mga babaeng nasa Grade 4 naman ay mabibigyan ng bakunang HPV laban sa Human Papillomavirus at Cervical Cancer.

Sa pamamagitan ng programa, layunin ng DOH, DepEd, PDOHO, Batangas PHO, at iba pang stakeholders ng proyekto na masiguro ang maayos na kalusugan at kaligtasan ng bawat mag-aaral. Ipinababatid din ng programa ang mensahe ng kahalagahan ng pagbabakuna upang maprotektahan hindi lamang ang mga bata, kung hindi pati na rin ang kanilang mga pamilya at komunidad. – Batangas PIO Capitol