Batangas PHO, Nakiisa sa Obserbasyon ng Drowning Prevention Month

Matagumpay na isinagawa ng Bayan ng Nasugbu ang aktibidad kaugnay sa obserbasyon ng noong ika 24 ng Marso 2026. Ito ay pinangunahan ng Municipal Health Office ng naturang bayan, katuwang ang Department of Health – Center for Health Development IV-A at Batangas Provincial Health Office (PHO).

Ang nasabing aktibidad, na dinaluhan ng iba’t ibang kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, sektor ng kalusugan, at mga resorts owner, ay may layunin na palakasin ang kamalayan ng publiko hinggil sa kahalagahan ng pag-iwas sa pagkalunod at ang pagsusulong ng ligtas at handang komunidad, lalo na sa mga lugar na malapit sa katubigan.

Bukod dito, binigyang-diin din ng naturang pagtitipon ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng pamahalaan at komunidad sa pagpapatupad ng mga hakbang upang maiwasan ang mga insidente ng pagkalunod.

Naging bahagi ng aktibidad ang serye ng mga talakayan mula sa mga eksperto na tumalakay sa iba’t ibang paksa, tulad ng “Understanding Drowning as a Public Health Concern,” “Promoting Actions Toward Drowning-Free Communities,” at “Basic Water Safety and Emergency Response,” na nagbigay ng mahalagang kaalaman at praktikal na gabay sa mga kalahok.

Nagkaroon din ng overview hinggil sa Drowning Prevention Month kung saan tinalakay ang kasalukuyang sitwasyon, mga pangunahing sanhi ng pagkalunod, at ang mga estratehiya upang maiwasan ito sa pamamagitan ng edukasyon, tamang pagbabantay, at kahandaan sa mga emergency.

Sa pagtatapos ng programa, nagpaabot ng mensahe si Dr. Antonio Carlo Magno, Medical Officer V at Disaster Risk Reduction and Management Health Coordinator ng Bayan ng Nasugbu, kung saan hinikayat niya ang patuloy na pakikipagtulungan ng bawat isa, kabilang ang pamahalaan, pribadong sektor, at komunidad, upang maisakatuparan ang layuning magkaroon ng mas ligtas at drowning-free na komunidad.

Ang pakikiisa ng PHO sa ginanap na programa ay bahagi ng patuloy na kampanya ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas para sa kabuuang pagtataguyod ng isang matatag na kalusugan para sa bawat isang Batangueño.

Sheryl Mae Halili – Batangas PIO