Batangueño OFWs, Bumida sa 12th Migrants’ Day Celebration

Sa patuloy na pagsusulong ng programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas para sa kapakanan at proteksyon ng mga Batangueno Overseas Filipino Workers (OFWs), matagumpay na pinangunahan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang 12th Migrants’ Day Celebration noong ika-9 ng Disyembre 2025 sa DREAM Zone, Capitol Site, Lungsod ng Batangas.

Layunin ng pagdiriwang na kilalanin ang mga Batangueñong OFWs para maipadama sa kanila at sa kanilang pamilya ang suporta ng pamahalaan. Tampok sa programa ang makabuluhang talakayan ni Atty. April Casabuena na nagbahagi ng mga mahahalagang impormasyon at paalala na makatutulong sa pagprotekta sa karapatan at kapakanan ng mga migrant workers.

Ginawaran din ng pagkilala ang mga natatanging tagapaglingkod sa pamamagitan ng Search for the Most Functional Migrants’ Desk na isang inisyatiba na layong patibayin ang karapatan at kapakanan ng ating mga kababayang nagtatrabaho sa ibang bansa. Bahagi rin nito ang pagsusulong ng sustainable, inclusive, at participatory governance para sa mga OFWs, gayundin ang paghikayat sa mga Migrant Officers na patuloy na palakasin ang kahalagahan ng mahusay, maayos, at gender-sensitive na serbisyong nakatuon sa bawat OFW at kanilang pamilya.

𝗠𝗚𝗔 𝗡𝗔𝗚𝗪𝗔𝗚𝗜:
𝗪𝗜𝗡𝗡𝗘𝗥: Munisipalidad ng Cuenca – nakatanggap ng ₱20,000 na halaga ng project grant at plaque
𝟭𝗦𝗧 𝗥𝗨𝗡𝗡𝗘𝗥-𝗨𝗣: Lungsod ng Tanauan – nakatanggap ng ₱15,000 na halaga ng project grant at plaque
𝟮𝗡𝗗 𝗥𝗨𝗡𝗡𝗘𝗥-𝗨𝗣: Munisipalidad ng Rosario – nakatanggap ng ₱10,000 na halaga ng project grant at plaque

Nadagdagan pa ito ng isang espesyal na parangal ang “Most Gender-Responsive Program Award,” na iginawad sa Lungsod ng Tanauan para sa kanilang aktibong pagsusulong ng gender equality at pagpapatupad ng inclusive, responsive, at compassionate services.

Bukod dito, tampok din ang iba’t ibang booths sa ilalim ng programang “Serbisyo para sa Bayani,” kung saan nagbigay ng impormasyon at serbisyo ang ilang mga tanggapan at partners upang mas matugunan ang pangangailangan ng mga Batangueno OFWs.

Nakiisa rin sa selebrasyon si Atty. Sheila Mae L. Panotes-Libardo mula sa Office of the Provincial Governor (OPG), bilang kinatawan ni Governor Vilma Santos-Recto, na nagpahayag ng patuloy na suporta ng lalawigan sa lahat ng programa para sa nagsisilbing mga modern-day heroes.

Ang 12th Migrants’ Day Celebration ay patunay ng walang humpay na dedikasyon ng pamahalaang panalawigan sa pagbibigay tulong, proteksyon, at pagkilala sa mga OFW na tunay na haligi ng maraming pamilyang Pilipino.

Almira Elaine F. Baler | Kevin Paulo Medrano & Kasielka Cantos – Batangas Capitol PIO