
Matagumpay na naisagawa ang dalawang araw na Capability Building Activity para sa mga opisyal at miyembro ng Empowerment and Reaffirmation of Paternal Abilities (ERPAT) at Men Opposed to Violence Against Women Everywhere (MOVE), na ginanap noong ika-22 hanggang ika-23 ng Setyembre 2026 sa Hotel Pontefino, Batangas City.
Ang nasabing pagsasanay, na dala ang temang “Batangueñong Matatag, Komunidad na Panatag,” ay pinangasiwaan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) bilang bahagi ng patuloy na hangarin nitong palakasin ang kapasidad ng mga haligi ng tahanan at mga kalalakihan sa lalawigan sa pagpapatupad ng adbokasiya para sa mabuting pagpapamilya, gayundin sa paglaban sa karahasan laban sa mga kababaihan at kabataan sa kanilang mga komunidad at lipunan.
Sa loob ng dalawang araw, sumailalim ang mga kalahok na ERPATS at Movers sa serye ng mga sesyon na sumasaklaw sa mga sumusunod na paksa na kinabibilangan ng Values Restoration and Public Sector Ethics, Gender and Development Frameworks and Magna Carta of Women, Safe Spaces Act (Republic Act 11313), at Transformational Leadership and Mental Health in Public Service.
Naging tampok na talakayan sa nasabing pagsasanay ang patungkol sa active male accountability at moral grounding sa serbisyo publiko, ang pagsira sa mga patriarchal stereotypes, at ang gender-responsive perspective sa local governance batay sa RA 9710. Binigyang-diin din sa mga sesyon ang kahalagahan ng epektibong pamamahala sa workplace stress, mental health awareness, at emotional well-being lalo na para sa mga male public servants, na isang paksang kadalasang hindi gaanong napagtutuunan ng pansin sa mga katulad na programa.
Pinangunahan ni PSWDO head Etheldrida Luistro ang pagtiyak na ang bawat sesyon ay naghahatid ng makabuluhan at praktikal na kaalaman sa mga kalahok. Kasama niya bilang mga facilitators sina Imelda Salcedo, RSW; Eva Palas-Morillo, RSW; at Maru Emer Tumambing, RSW, mga kawani ng PSWDO, na sama-samang namahala sa pagpapadaloy ng mga talakayan sa buong pagsasanay.
Ang buong training program ay isinagawa sa ilalim ng pamumuno ni Ginoong Mark Francis P. Donato, Civil Service Commission (CSC) Values Restoration Officer and Gender Equality and Development Director, na siyang naghatid ng direksyon at balangkas ng programa mula simula hanggang sa pagtatapos ng training program.
Sa pamamagitan ng mga ganitong inisyatiba, patuloy na pinatitibay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang papel ng mga kalalakihan bilang mga kasosyo sa paglikha ng mas ligtas, mas responsable, at mas mapagmalasakit na mga pamilya at komunidad sa buong lalawigan.
Edwin V. Zabarte – Batangas PIO



