
Halos 4,000 na mga Kababayan ang Nakinabang sa Programa ng Kapitolyo
Mula Lungsod ng Batangas, muling umarangkada ang Capitol on Wheels at nagtungo sa Ikalawang Distrito ng lalawigan, sa Bayan ng Mabini ngayong ika-13 ng Abril 2026.
Dito dumalo ng Pagpupugay sa Bandila ng Pilipinas si Gov. Vilma Santos – Recto, kasama ang lahat ng department heads ng Pamahalaang Panlalawigan, at inihatid ang mga pangunahing serbisyo sa mga kababayan, katuwang ang mga national government agency (NGAs) partners nito.
Pangunahing Serbisyo ng Kapitolyo
Sa pangunguna ng Provincial Health Office, ipinaabot ang iba’t ibang libreng medical services sa 1,652 na mga pasyente, kabilang ang 350 para sa internal medicine, 360 sa dental, 345 circumcision, 110 pediatric, 97 Paps Smear, 153 laboratory, 64 Ob Gyne, 38 ultrasound, at iba pa. 75 na mga barangay health workers at 53 barangay nutrition scholars din ang nakatanggap ng kanilang honorarium.
Mula naman sa Provincial Social Welfare and Development Office, 113 na mga sectoral volunteers ang naging mga recipients ng honorarium, kabilang ang mga child development workers, persons with disability, parent leaders at senior citizens; habang 34 na mga barangay tanod heads ang nabigyan ng kanilang honorarium mula sa Provincial Public Order and Safety Department.
Namahagi naman ang Provincial Agriculture Office, kasama ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at Department of Agriculture Region 4A, ng mga kagamitang pangisdaan at mga binhing pananim sa 160 na mga benepisyaryo.
Apat na mga barangay ng Mabini ang nakatanggap ng financial assistance para sa iba’t ibang hiniling nilang kagamitan para sa operasyon ng kanilang mga tanggapan, na nagkakahalaga ng ₱180,000 mula sa Provincial Assistance for Community Public Employment and Youth & Sports Development Office.
Nakapagpaabot naman ang Provincial Legal Office ng 16 na mga libreng payong legal at paggawa at notaryo ng mga dokumentong legal sa mga taga Mabini.
Tulong at Suporta ng NGA Partners
Samantala, sa hanay ng mga NGAs, may kabuuang 1,405 na mga taga Mabini ang nabigyan ng iba’t ibang serbisyo kabilang ang Philippine Statistics Authority na nakapag-isyu ng civil registry documents, at registration and updating para sa national identification card; Land Transportation Office na nakapag renew ng motor vehicle registration at drivers’ license at nakapag isyu ng student’s permits; Philippine National Police Batangas na nagpaunlak ng libreng gupit ng buhok at nag isyu ng mga police clearance; PhilHealth na nag-rehistro at update at nagkaroon ng YAKAP registrations; at Social Security System na nakapag rehistro at nagpaabot ng ibang serbisyo.
Nakiisa rin sa pagbibigay ng tulong ang Department of Labor and Employment, Anti Red Tape Authority, Department of Trade and Industry, National Bureau of Investigation, TESDA, Department of Agrarian Reform, Department of Science and Technology at Department of Information and Communications Technology.
Sa kanyang mensahe sa mga dumalo at nakiisa sa aktibidad, iginiit ni Gov. Santos-Recto na walang utang na loob ang mga Batangueño sa kanilang isinasagawang mga programa, bagkus ibinibalik lamang ng Kapitolyo ang mga buwis na galing sa publiko sa pamamagitan ng mga maayos na mga proyekto na tunay na pakikinabangan ng mga kababayan.
Nakabahagi sa pagtitipon ang pamunuan ng punong abalang bayan, kabilang sina Mabini Mayor Noel Luistro, 2nd District Congresswoman Jinky Luistro, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga pinuno ng mga barangay. Sa bahagi ng Kapitolyo, ang mga department heads ay pinangunahan nina Provincial Administrator, Atty. Joel Montealto, at Chief of Staff, Pedrito Martin Dijan, Jr. – Batangas Capitol PIO



