Eco-Banking ng Calatagan, Inspirasyon sa Benchmarking at Capacity Building ng Project C♻️BE

Bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng Provincial Government – Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) ng kanilang mga programa, alinsunod na rin sa gabay ng H.E.A.R.T.S. Program ni Governor Vilma Santos-Recto, nagsagawa ang naturang tanggapan ng isang benchmarking activity noong ika-6 ng Agosto 2025, sa Calatagan LGU Training Hall, Bayan ng Calatagan, Batangas.

Ang naturang aktibidad ay kaugnay sa pagtugon sa mga suliranin sa pamamahala ng basura ng lalawigan, sa pamamagitan ng paghihikayat sa publiko para sa responsableng pangangalaga sa kapaligiran, pagpapatatag ng upcycling at circular economy practices sa mga paaralan at iba pang institusyon sa iba’t ibang lungsod at bayan ng Batangas, na magsisimula sa Project C♻️BE.

Layunin din ng proyekto na makalikha ng kita sa pamamagitan ng pag-upcycle ng basura upang makinabang ang mga mag-aaral, lokal na paaralan, mga lokal na barangay, at mga civil society organizations, kung saan kabilang ang mga samahan ng kababaihan.

Bukod dito, sinusuportahan ng programa ang pagtatayo ng mga Material Recovery Facilities (MRFs) at pagtanggap ng mga donasyon ng mga produktong mula sa upcycling sa mga community beneficiaries, katuwang ang mga pribadong institusyon, gaya ng Tetra Pak Philippines, Inc., Friends of Hope, Inc., at Sentinel Upcycling.

Bahagi rin ng aktibidad ang presentasyon tungkol sa Calatagan Solid Waste Management Programs and Projects, Introduction to the eco-banking in Calatagan, tamang pagpapatupad ng eco-banking sa paaralan ng Calatagan, at Discussion on Capability for Project C♻️BE.

Nakiisa sa benchmarking activity sina PG-ENR Officer-in-charge, Dr. Marivic P. Esmas; San Pascual Municipal Administrator, Mr. Jerkyll H. Sandoval; San Antonio Elementary School Principal, Mr. Christopher Dalisay; Mabini Municipal ENR Officer, Mr. Constancio Ronald D. Castillo, Department of Education (DepEd) Mabini District Superintendent, Dr. Luisito Cantos; Mainaga–San Francisco Integrated School Principal, Dr. Ofelia M. Del Mundo; Petron Batangas Terminal Head, Mr. Joseph Nolla; Solid Waste Management Section Head ng Sto. Tomas City, Ms. Jenny Agripa; Mr. Armando Mandigma ng Pepsi-Cola Philippines at Ms. Arlen Dean Adams ng DepEd – Sto. Tomas City.

Dumalo at aktibong naging katuwang din sa ginanap na pagtitipon sina Bauan Municipal ENR Officer Representative, Ms. Mavelle De Leon; Lemery Municipal ENR Officer, Mr. Garry Mendoza; at Sinisian Port and Industrial Park Manager, Ms. Jennifer Halili . // Junjun Hara De Chavez – Batangas PIO Capitol