Gov. Vi, Binisita ang Ipinapagawang Rosario District Hospital

Tiniyak ang pagpapatuloy ng mga proyektong pangkalusugan, pangkabuhayan sa Batangas

BATANGAS — Personal na pinangunahan ni Governor Vilma Santos-Recto ang inspeksyon sa konstruksyon ng Rosario District Hospital sa Bayan ng Rosario upang tiyakin ang maayos na pagpapagawa nito, na naaayon sa itinakdang schedule ngayong ika-17 ng Hunyo 2026.

Ang pagpapagawa ng bagong government hospital sa Ika-4 na Distrito ng Lalawigan ng Batangas ay kaugnay ng programang layuning mas mapalawak ang serbisyong pangkalusugan para sa mga Batangueño.

Bago rito, nagtungo ang Gobernadora sa Bayan ng Taysan upang pangunahan ang distribusyon ng bigas sa ilalim ng Bayan Makikinabang Program ng pamahalaang nasyonal, isang inisyatibong naglalayong makatulong sa mga pamilyang nangangailangan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan.

Tumulak din si Governor Santos-Recto sa Bayan ng Padre Garcia para sa pamamahagi ng bigas sa nasabing munisipalidad.

Sa dalawang bayan, nakipagpulong din ang punong ehekutibo ng Batangas, kasama ang mga department heads ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa mga Kapitan upang talakayin ang mga prayoridad na proyekto ng bawat barangay.

Dito pinakinggan ng Gobernadora ang mga mungkahi ng mga opisyal ng barangay upang matiyak na ang mga programang ipatutupad ng pamahalaan ay naaayon sa aktuwal na pangangailangan ng kanilang mga komunidad.

Binigyang-diin ni Governor Santos-Recto ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng pamahalaang panlalawigan at mga lokal na pamahalaan upang mas mapalawak pa ang paghahatid ng mga programa at serbisyong direktang makikinabang ang mamamayan.

“Mas magiging epektibo ang ating mga programa kung patuloy tayong magtutulungan at mag-uugnayan upang matugunan ang tunay na pangangailangan ng bawat barangay,” ani ng Gobernadora. “Magiging tuloy-tuloy din ang pagdadala ng mga serbisyo ng gobyerno sa mga komunidad, sa halip na ang mga tao ang pupunta sa Kapitolyo.”

Samantala, nagpahayag naman ng kanilang suporta at pasasalamat ang mga Punong Barangay sa mga programang inilulunsad ng Pamahalaang Panlalawigan, partikular ang mga proyektong nakatuon sa kalusugan, edukasyon, kabuhayan, imprastraktura, at iba pang serbisyong direktang nakatutugon sa pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan. VIA – Batangas Captiol PIO