H.E.A.R.T.S. Program, Nananatiling Sandigan ng Katatagan at Kaunlaran sa Unang Taon ng Pamumuno ni Gov. Vi

Patuloy na pinatatatag ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang paghahatid ng dekalidad na serbisyo publiko sa pamamagitan ng malawakang pamumuhunan sa kalusugan, edukasyon, pangangalaga sa kalikasan, agrikultura, imprastraktura, turismo, teknolohiya, at serbisyong panlipunan. Ang mga programang ito ay sumasalamin sa layunin ng pamahalaang panlalawigan na makapaghatid ng mas mabilis, mas episyente, at mas inklusibong serbisyo para sa bawat Batangueño.

Mas Pinahusay na Serbisyong Pangkalusugan sa Lalawigan

Sa nakalipas na isang taon, dalawang Dialysis Centers agad ang naitatag ng Lalawigan ng Batangas. Bahagi ito ng kabuuang 100 dialysis machines na ilalagay pa sa iba’t ibang distrito ng lalawigan.

Wala pang isang taon, dalawang district Hospitals na rin ang agarang nasimulang ipatayo ng Kapitolyo. Bukod ito sa nagpapatuloy na rehabilitasyon ng lahat ng district hospitals sa Batangas. Batay sa pinakahuling datos, umabot sa 411,741 ang kabuuang bilang ng mga serbisyong naibigay ng mga provincial at district hospitals ng Batangas, mas mataas kumpara sa 378,825 na naitala noong Hulyo 2024 hanggang Hunyo 2025.

Katumbas ito ng mahigit 32,900 karagdagang serbisyong naihatid sa loob lamang ng isang taon.

Mas Pinalawak na Suporta sa Edukasyon at mga Iskolar

Sa mas pinalawig na programang pang-edukasyon ng Lalawigan ng Batangas, humigit-kumulang ₱400 milyon ang inilaan upang suportahan ang pangarap ng mahigit 76,000 iskolar, mula sa 42,678 noong nakaraang administrasyon.

Mas pinatatag pa ito sa pamamagitan ng Merit-Based Educational Grants Program, kung saan mahigit 3,062 iskolar ang tumanggap ng ₱25,000 at ₱15,000 para sa School Year 2025–2026, kumpara sa 451 lamang noong School Year 2024–2025. Kasabay ng pagdami ng populasyon ng mga mag-aaral sa lalawigan, agad ding ipinatatayo ang 25 school buildings at isinasaayos ang 199 na gusaling umiiral upang matugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan.

Samu’t saring kagamitan rin ang ipinamahagi upang maihanda ang sektor ng edukasyon sa makabagong teknolohiya. Kabilang dito ang 1,208 laptops, 315 Smart TVs, 104 Interactive Projectors, 703 Globe Maps, 703 Political Maps, at 430 Interactive and Creative Instructional Materials.

Patuloy na Pangangalaga sa Kalikasan

Taong 2009, sa unang termino ni Governor Vilma Santos-Recto, naitatag ang Batangas Bantay Dagat Network bilang isang hakbang sa mas matibay na pangangalaga sa yamang-dagat ng lalawigan.

Mula noon hanggang ngayon, patuloy na sinusuportahan ng Kapitolyo ang mga boluntaryong nangangalaga sa karagatan ng Batangas.

Samantala, sa pinalakas na ugnayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na pamahalaan, napapalawak ang iba’t ibang social protection programs sa pamamagitan ng Cash-for-Work at Cash-for-Training Scheme.

Noong 2026, may kabuuang ₱14.5 milyon ang naipagkaloob sa mahigit 1,300 partner-beneficiaries, kasabay ng pagsasanay sa pangangalaga ng kapaligiran, konserbasyon ng tubig, at pagpapaunlad ng seguridad sa pagkain.

Patuloy ring isinusulong ang reforestation program kung saan 140.91 ektarya ng kagubatan at mangrove forests ang naipanumbalik.

Direktang Suporta sa mga Magsasaka at Mangingisda

Sa pagsisimula ng panunungkulan ng kasalukuyang administrasyon, agad itong humarap sa mga hamon partikular sa sektor ng agrikultura. Agaran ang naging paghahatid ng tulong sa mga mangingisdang Batangueño na naapektuhan ng isyu sa Lawa ng Taal na umabot sa mahigit ₱9.8 milyon.

Kasunod nito ay ang tatlong magkakasunod na bagyo na labis na nakaapekto sa mahigit 25,000 mangingisda na pinagkalooban naman ng family food packs mula sa DSWD.

Sa kabila ng mga pagsubok na ito, patuloy rin ang paglalaan ng mga programa at proyekto sa manggagawa sa agrikultura, kabilang na ang mahigit ₱11.9 milyon para sa Climate Change Adaptation and Mitigation; ₱5.9 milyon para sa agricultural at fishery inputs; at ₱2.3 milyon para sa Farm Mechanization and Modernization Program.

Inaasahan na sa pamamagitan ng mga tulong na ito ay lalong sasagana ang produksyon ng mga lokal na produkto para sa tiyak na suplay ng pagkain.

Mas Pinatatag na mga Proyektong Pang-Imprastruktura

Aabot sa ₱3.095 bilyon ang halaga ng mga proyektong pang-imprastraktura na naipatupad sa ilalim ng H.E.A.R.T.S. Program sa nakalipas na isang taon.

Kabilang dito ang ₱1.114 bilyon para sa pagtatayo at rehabilitasyon ng mga ospital; ₱624.233 milyon para sa 23 school buildings na may 144 classrooms; ₱388.38 milyon para sa mga gusaling pampamahalaan; ₱50.5 milyon para sa barangay roads; ₱24.882 milyon para sa street lighting; ₱17.096 milyon para sa water systems; ₱156.630 milyon para sa multi-purpose facilities; at iba pang mahahalagang imprastraktura sa buong lalawigan.

Isa rin sa mga naging inisyatibo sa larangan ng imprastruktura ay ang pagsisiguro na ang mga proyekto mula sa mga nakalipas na taon ay naipatutupad ng maayos. Matatandaan na pansamanatalang ipinasara ang track and field oval ng Batangas Provincial Sports Complex dahil sa mga nakitang isyu sa pagkakagawa nito matapos ang naging rehabilitasyon. Inaasahang magiging bukas na ito sa publiko sa lalong madaling panahon upang muling mapakinabangan ng mga Batangueño.

Patuloy na Pinasisigla ang Industriya ng Turismo

Sa pamamagitan ng mga inisyatibong pangturismo ng lalawigan, napanatili ng Batangas ang pagiging Top 1 Overnight Tourist Destination sa buong rehiyon ng CALABARZON.

Malaki ang naging ambag ng kampanyang “Batangas: All Here. So Near.” sa muling pagsigla ng kabuhayan ng maraming Batangueño, gayundin ang paglunsad ng bagong summer campaign video na nagpakita na ang puso ng turismo ay nasa manggagawa ng industriyang ito.

Sa tumataas na bilang ng tourist arrival at tourism establishment, naging pagkakataon rin ito upang mapagsamantalahan ang nasabing sektor. Dahil sa agarang aksyon ng Pamahalaang Panlalawigan, milyon milyong piso rin ang naagapan na mawala dahil sa laganap na online booking scam, na nagbigay proteksyon sa mga resort owners at mga turistang bumibisita sa Batangas.

Matapos naman ang siyam na taon, muling nagbalik nang may bagong sigla ang Ala Eh! Festival noong Disyembre 2025 para sa ika-444 na anibersaryo ng Lalawigan ng Batangas. Kilala bilang “Mother of all Festivals” sa Batangas, ang naturang selebrasyon ay nagbukas ng bagong yugto para sa mas matatag na pagkakaisa ng 29 na bayan at 5 lungsod ng lalawigan at nagbuklod sa mayamang sining, kultura, at kasaysayan na mayroon ito.

Dagdag pa rito, napalakas din ang pagtatampok ng mga produktong lokal at nabigyan ng pagkakataon upang magkaroon ng karagdagang kita ang daan-daan kabuhayan o small business mula sa iba’t ibang panig ng probinsya.

Mas Pinalakas na Internet Connectivity sa mga Liblib na Paaralan

Kasabay ng patuloy na pag-usbong ng makabagong panahon, bahagi rin ng inisyatibo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang pagpapatatag ng internet connectivity.

Sa pakikipagtulungan sa Department of Information and Communications Technology (DICT), naihatid ang internet access sa 95 pampublikong paaralang elementarya na matatagpuan sa pinakamalalayo at liblib na lugar sa Batangas, kabilang ang mga upland schools sa Bayan ng Lobo at mga paaralan sa Islang Bayan ng Tingloy.

Mas Pinaigting ang mga Serbisyong Pangkagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad ng Ekonomiya

Sa pagpasok ng taong 2026, nakapagtala agad ng 15.3% pagtaas sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), na umabot sa ₱145.92 milyon, mula sa ₱126.55 milyon noong 2025.

Noong Hulyo 2025 hanggang Hunyo 2026, umabot na rin sa ₱9.4 Milyon ang kabuuang pondo na inilaan para sa medical and hospital assistance, sa pamamagitan ng Batangas Medical Center. Ito ay 69% na mas mabilis na pag abot sa accomplishment kumpara noong 2025.

Nakapagtala rin ng 21.5% pagtaas ang honorarium ng mga volunteers at sectoral leaders, mula ₱13.6 milyon noong 2025 hanggang ₱16.6 milyon.

Samantala, kinikilala ang Batangas bilang may pinakamataas na bilang ng mga kooperatibang nakatanggap ng Certificate of Compliance sa buong CALABARZON. Nakapagtala rin ang lalawigan ng tatlong bilyonaryong kooperatiba, na siyang pinakamataas sa Region IV-A.

Mula Hulyo 2025 hanggang Hunyo 2026, umabot na sa ₱17.5 milyon ang Cooperative Loan Assistance, habang ₱2.05 milyon naman ang naipagkaloob bilang Individual Livelihood Assistance.

Para naman sa Barangay Community Development Projects, mula Oktubre 8, 2025 hanggang Hunyo 11, 2026, umabot sa ₱18.7 milyon ang inilaanng pondo para sa financial at material assistance.

Sa pamamagitan nito, mas napapalakas ang kakayahan ng mga barangay na maipatupad ang mga proyektong tumutugon sa aktuwal na pangangailangan ng kanilang mga komunidad, nagpapabuti sa paghahatid ng serbisyo, at lumilikha ng mas ligtas, mas matatag, at mas maunlad na pamayanan.

Bukod pa ito sa patuloy na suporta ng Kapitolyo sa larangan ng public employment, youth empowerment, at sports development.

Tungo sa tuloy-tuloy na pag-unlad at pagtatag ng Batangas

Sa mandato at tiwala na muling ibinigay ng sambayanang Batangueño kay Governor Vilma Santos-Recto, patuloy na sinisikap ng pamahalaang panlalawigan na maibigay ang nararapat na mga serbisyo, programa, at proyekto na direkta sa mamamayan.

Sa pamamagitan ng programang Capitol on Wheels, nabigyan ng katuparan ang pagtugon sa paglalapit, pagpapabilis, at pagtiyak na ang mga serbisyo ng Kapitolyo, at ng ibang mga katuwang na ahensya ng pamahalaan, ay tunay at agarang nararamdaman.

Sa kasalukuyan, nahatidan na ng iba’t ibang serbisyo ang Bayan ng San Juan, Bayan ng Mabini, Islang Bayan ng Tingloy, Lungsod ng Calaca, at Bayan ng Malvar.

Tinitiyak naman ng inilunsad na Matatag na Batangas Award for Visionary Leadership towards Sustainable and Resilient (MBA-VSR) Local Government Units (LGUs) na maitaguyod ang pagkakaisa sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan at mga lokal na pamahalaan.

Ito ay isang mekanismo na nakabatay sa Seal of Good Local Governance ng Department of the Interior and Local Government (DILG), kung saan nagsisilbi rin itong pundasyon sa pagpapalakas ng kapasidad ng pamamahala sa buong lalawigan upang mapagtibay ang
‘frameworks of good governance thru collaboration,’ na magiging inspirasyon sa pagpapaabot ng epektibong serbisyo publiko.

Mula sa kabuuang 34 na mga bayan at lungsod, 21 na ang napuntahan ng MBA-VSR team para sa pagsasagawa ng assessment and validation ng mga best practices at iba pang pamantayan ng pampublikong serbisyo.

Ang pangako na mailapit ang mga tulong at suporta direkta sa tao, kasama ang paggamit ng tama sa buwis ng publiko, ay mananatiling panata ng Kapitolyo at walang-patid na gagampanan ang tungkulin para maihatid sa bawat pamilyang Batangueño ang isang matatag, maginhawa at panatag na buhay.

Batangas Capitol PIO