Hakbang para Mabantayan ang Kapakanan ng mga Kabataang Mag-aaral, Tinalakay sa PCPC Batangas

Bunsod ng mga sunod-sunod na insidente ng karahasan sa loob ng mga paaralan sa bansa na kinabibilangan ng mga estudyante, agaran na nagasagawa ng consultation meeting sa pagitan ng mga miyembro at stakeholders ang Batangas Provincial Council for the Protection of Children (PCPC) ngayong araw ng Lunes, ika-29 ng Hunyo 2026.

Pinamunuan ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto ang pagpupulong upang maghain ng isang holistic community approach na layuning mapigilan ang mga pangyayari ng karahasan sa mga eskwelahan, partikular sa Lalawigan ng Batangas.

Sa kanyang pahayag, sinabi ng gobernador na bilang tumatayong ina ng lalawigan, nababahala siya sa lumalaking trend ng karahasan na kinasasangkutan ng mga kabataang may edad 14 hanggang 15 taong gulang, na nagpapakita ng lakas ng loob at marahas na pag-iisip sa kabila ng kanilang murang edad.

Katuwang ang mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, ang Department of Education (DepEd), at ang Philippine National Police (PNP), nagkaroon ng pagsusulungan na bumalangkas ng mas pinalakas at mas epektibong mga panukala at ordinansa na magbibigay proteksyon sa kapakanan ng mga kabataan sa lalawigan.

Bilang panimulang hakbang, itatayo ang isang Speakers’ Bureau sa pagitan ng mga opisyal ng PCPC, PNP, DepEd, at ng mga Parents-Teachers Association (PTA) upang buuin ang isang nagkakaisang mensahe at mga hakbang na ipaparating sa gagawing information-education drive sa mga paaralan.

Ayon sa PNP, kabilang sa mga partikular na nakikitang dahilan ng karahasan sa paaralan ang: Nihilistic Violent Extremism (NVE) — na iniuugnay sa mga marahas na online gaming platforms sa internet; Parental neglect o kapabayaan ng mga magulang; at Patuloy na pagdami ng kaso ng school bullying.

Inaasahang magiging pundasyon ang consultation meeting na ito ng mas malawak na programa ng lalawigan upang matugunan ang ugat ng karahasan sa gitna ng mga kabataan at matiyak ang kanilang kaligtasan sa loob at labas ng mga paaralan.

Edz Zabarte – Batangas Capitol PIO