Matapos isagawa ang Groundbreaking Ceremony ng unang District Hospital ng Lalawigan ng Batangas na itatayo sa Bayan ng Rosario noong ika-12 ng Enero 2026, kaagad itong sinundan ng kaparehong seremonya, na hudyat naman ng pagsisimula ng konstruksyon ng panibago at karagdagang ospital para sa probinsya, noong ika- 23 ng Enero 2026 sa Cutang Kawayan, Bayan ng Sta. Teresita.
Pinangunahan ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto ang delegasyon ng mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa pagsaksi sa nasabing seremonya, katuwang ang mga tanggapan ng Provincial Health Office at Provincial Engineer’s Office, kaisa ang mga lokal na opisyal at pamunuan ng Bayan ng Sta. Teresita, na nasa sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Norberto Segunial.
Matatandan sa naging pag-uulat sa lalawigan ni Gov. Santos-Recto para sa kaniyang unang isandaang araw ng serbisyo noong Oktubre 2025, inilahad niya ang pagtatayo ng mga modernong medical facilities bilang prayoridad na proyekto sa ilalim ng kanyang H.E.A.R.T.S. Program.
Kaugnay nito, ngayong Enero 2026, ay agarang nang sinimulan ang naturang dalawang pasilidad bilang pagtupad sa kaniyang pangako at mandato na pabilisin ang pagsasagawa ng mga healthcare facilities para sa mga mamamayang Batangueño.
Katulad ng naunang pasilidad na itatatayo sa Bayan ng Rosario, ang ospital ng probinsya, na itatag naman sa Sta. Teresita, ay isa ring Level 2 Hospital na mayroong mga modernong mga medical equipment at laboratories. Bukod dito, ang limang palapag na gusaling pangkalusugan ay magkakaroon din ng tinatayang 150-175 bed capacity at kapapalooban ng mga serbisyo at pasilidad, tulad ng Dialysis Center, Intensive Care Unit, Delivery at Operating Rooms at General Emergency Care Services.
Ang Provincial District Hospital sa Sta. Teresita ay inaasahang makakapagsilbi sa mga distrito ng Batangas mula 1st, 2nd, at 3rd District, na may tinatayang humigit-kumulang na 550,859 populasyon, ayon sa datos noong 2025 .
Samantala, ang ginanap na groundbreaking ceremony ay dinaluhan din ng iba’t ibang opisyal at puno ng tangagapan sa pamahalaang panlalawigan, ilang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, local chief executives mula sa Ikatlong Distrito, mga kinatawan ng lokal ng pamahalaan ng Sta. Terista, mga opisyal ng barangay, at mga volounter and sectoral representative ng nabanggit na bayan.
Edwin V. Zabarte / Photo by Batangas PIO



