Ikalawang Provincial Dialysis Center sa Batangas, Binuksan sa Bayan ng Tuy

Pormal nang binuksan ang ikalawang Povincial Dialysis Center ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa Batangas Provincial Medical Center (BPMC) sa Bayan ng Tuy ngayong araw, ika-27 ng Pebrero 2026.

Ang isinagawang ribbon cutting ceremony, na pinangasiwaan ng Provincial Health Office (PHO), ay personal na pinangunahan ni Governor Vilma Santos-Recto.

Sa bagong dialysis center, muling naglaan at nagtalaga ang Kapitolyo ng 15 na bagong dialysis machines, na mula pa rin sa kabuuang 100 na makina na mayroon ang pamahalaang panlalawigan.

Inaasahan na makapagbibigay ang mga dialysis machine ng serbisyong medikal sa mas maraming dialysis patients sa pamamagitan ng naka-iskedyul na shifting ng gamutan.

Sa ilalim ng karaniwang operasyon ng dialysis unit, maaaring magsagawa ng dalawa hanggang tatlong shift kada araw, kung saan tinatayang mahigit sa 40 na pasyente ang maaaring maserbisyuhan kada araw kapag nasa full capacity ang operasyon.

Nasa kabuuang 12 sessions naman ang inaasahan sa loob ng isang buwan. Sa naging pahayag ni Gov. Santos-Recto, ipinaabot ng gobernadora na sa tulong ng pakikipag-ugnayan sa Department of Health at Pamahalaang Nasyunal, mapagkakalooban ang mga dialysis patient ng 25 kilos ng bigas sa panahon na matapos o makompleto ang required session.

Batay sa datos na nakalap ng Batangas Provincial Health Office (PHO) mula sa mga Rural Health Units sa lalawigan, maaaring magsilbing catchment ang dialysis center sa may mahigit 600 na mga pasyente mula sa mga bayan ng unang distrito ng Batangas.

Maliban sa mga residente ng Tuy, maaaring makinabang din sa bagong pasilidad ang mga pasyente mula sa mga karatig-bayan na nakapalibot sa unang distrito, higit lalo na sa mga pasyente na kinakailangan pang bumiyahe sa malalayong lungsod upang makapagpagamot.

Samantala, bilang karagdagang suporta sa mga higit na nangangailangang pasyente, tututukan din ani Gov. Santos-Recto ang pagsagot sa Fistula, na ayon sa kaniya ay may kamahalan kung bibilhin. Ang Fistula ay ang nagsisilbing koneksyon ng ugat at artery na ginagamit sa hemodialysis para dumaan ang dugo.

Ang mga programang ito, na nabigyan ng katuparan sa loob lamang ng walong buwan ng panunungkulan ni Gov. Santos-Recto, ay bahagi ng mga pangunahing inisyatibo na inilahad ni Governor Santos-Recto sa kaniyang unang 100 araw ng panunungkulan, na nakatuon sa pagpapataas ng antas ng serbisyong medikal at pagtiyak na mas mailalapit ang gamutan sa mga BatangueΓ±o.

Ang nasabing pasilidad ay ikalawa pa lamang sa kabuuang pitong district hospitals sa lalawigan na planong lagyan ng mga bagong dialysis machine.

Malaki ang inaasahang epekto ng bagong bukas na dialysis center sa pagpapabilis ng serbisyo at pag-iwas sa malalayong biyahe ng mga may sakit sa bato na kinakailangang sumailalim sa regular na gamutan. Higit sa lahat, magbibigay ito ng katiyakan na ang mga pasyente ay magkakaroon ng isang pasilidad na may maayos, ligtas, at may modernong kagamitan at trained medical staff.

Patunay ang pagbubukas ng ikalawang dialysis center sa Bayan ng Tuy sa matibay na pangako ng kapitolyo na ipagpatuloy ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan na may malasakit, may kalidad, at may puso para sa bawat BatangueΓ±o.

π’π‘πžπ«π²π₯ 𝐌𝐚𝐞 π‡πšπ₯𝐒π₯𝐒 – 𝐁𝐚𝐭𝐚𝐧𝐠𝐚𝐬 π‚πšπ©π’π­π¨π₯ 𝐏𝐈𝐎