

Mga pribadong ospital sa Batangas, katuwang ng Kapitolyo sa mas pinalakas na Healthcare Services
Isang mahalagang hakbang tungo sa higit na pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa Lalawigan ng Batangas ang naisakatuparan matapos pormal na lagdaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas at ng mga pribadong ospital sa iba’t ibang distrito ng probinsya ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa mas matatag na healthcare partnership at pagpapalawak ng medical assistance para sa mga Batangueño.
Isinagawa ang ceremonial signing ngayong Hunyo 22, 2026 sa Bulwagan ng Batangan, Provincial Capitol, Batangas City, na pinangunahan ni Governor Vilma Santos-Recto, kasama ang mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan at mga kinatawan ng mga pribadong ospital.
Layunin ng kasunduang ito na higit pang mapalakas ang ugnayan ng pampubliko at pribadong sektor sa larangan ng kalusugan upang matiyak ang mas mabilis, mas abot-kaya, at mas dekalidad na serbisyong medikal para sa mga mamamayan ng Batangas.
Sa ilalim ng nasabing kasunduan, magkakaroon ng mas malawak na koordinasyon at pagtutulungan sa pagbibigay ng kinakailangang serbisyong medikal at suporta sa mga pasyenteng nangangailangan ng tulong. Inaasahan ding mapapabilis ang pag-access ng mga Batangueño sa mga serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng mas epektibong referral system at iba pang healthcare initiatives.
Ang mga kalahok na pribadong ospital ay nagmula sa lahat ng distrito ng lalawigan, na nagpapakita ng kanilang pagkakaisa at suporta sa mga programang pangkalusugan ng Kapitolyo.
Ayon kay Gov. Santos-Recto, ang kasunduang ito ay sumasalamin sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na gawing mas accessible at mas episyente ang healthcare services para sa bawat Batangueño.
Ang MOA signing na ito ay isa pang patunay ng matibay na paninindigan ng Kapitolyo na isulong ang mga programang naglalayong mapabuti ang kalidad ng buhay at kalusugan ng mamamayan sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng iba’t ibang sektor.



