Konstruksyon ng Bagong Provincial District Hospital sa Rosario, Sisimulan Na

Tulad ng kaniyang inuulat sa sambayanang Batangueño noong First 100 Days Report, at anim na buwan ng muling pamunuan ang ina ng Lalawigan ng Batangas bilang Gobernador, pinasimulan na ni Governor Vilma Santos-Recto ang Ground Breaking Ceremony na hudyat ng pagsisimula ng konstruksyon ng bagong district hospital sa Bayan ng Rosario nitong ika-12 ng Enero 2026.

Bilang priority project ng kanyang administrasyon sa taong 2026 ang pagsisimula ng pagtatayo ng mga primerang health care facilities ay inaasahang magbibigay ng serbisyong medikal sa mga taga-Batangas, partikular sa ika-apat na distrito, gayundin sa mga karatig nitong bayan at lalawigan, kabilang ang Quezon.

Sa pag-uulat ni Governor Santos-Recto sa harap ng mga punong bayan at iba’t ibang mga opisyal mula sa 4th District ng Batangas, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga bagong health care facilities sa lalawigan upang matugunan ang tumataas na demand para sa mga specialized medical services na handang ibigay ng Level 2 hospital para sa mga mamamayan.

Ayon sa gobernador, ang soon-to-rise district hospital ay may limang-palapag na modernong istraktura, na kapapalooban ng 125-bed capacity para sa mga pasyente, Intensive Care Unit, Dialysis Center, at pinalakas na mother and child health care service at general emergency care.

Ang pangkalusugang proyektong ito ay inaasahang makatutulong upang ma-decongest ang mga nagsisiksikang pasyente sa mga kasalukuyang nakatayong district hospital sa lalawigan at iba pang mga pampublikong pagamutan na lubos na nangangailangan ng mga nasabing serbisyong pang-medikal.

Sa mensahe ni Provincial Health Office (PHO) Officer-in-Charge, Dr. Gerald Alday, binigyang pasasalamat niya ang administrasyon ni Governor Santos-Recto sa pagbibigay-prayoridad sa Health Program, na inaasahang makapagseserbisyo sa tinatayang bilang ng populasyon na aabot sa 523,254 katao sa ika-apat na distrito, ayon sa latest 2025 survey report ng Department of Health (DOH).

Sumaksi sa naganap na programa sina 4th District Representative, Congressman Caloy Bolilia at Rosario Mayor Leovy Morpe, kasama ang iba pang mga local chief executives ng ika-apat na distrito ng Batangas, at ilang mga department heads ng Kapitolyo.

Edwin V. Zabarte – Batangas PIO