Lalawigan ng Batangas, Kaisa sa Mas Matatag na Implementasyon ng MR-SIA

Buong suportang nakiisa ang mga kinatawan ng Provincial Health Office sa idinaos na dalawang araw na workshop kaugnay sa Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity o MR-SIA Guidelines with Vitamin A Implementation and Microplanning Session ng Department of Health (DOH) – Center for Health Development CALABARZON noong ika-23 hanggang 24 ng Marso 2026 sa Bayan ng Bauan, Batangas.

Layunin ng nasabing workshop na palakasin ang implementasyon ng MR-SIA, wastong pagbibigay ng Vitamin A, at masusing microplanning upang matiyak ang mataas na coverage at proteksyon laban sa measles at rubella, higit lalo na sa mga bata sa buong rehiyon, kung saan kabilang ang Lalawigan ng Batangas.

Sa unang araw, tinalakay ang mahahalagang datos at sitwasyon sa rehiyon at lalawigan pagdating sa mga kaso ng measles-rubella na ginagabayan ng Regional at Provincial Immunization Program Data. Nagkaroon din ng diskusyon tungkol sa logistics ng routine immunization at Adverse Events Following Immunization o AEFI, gayundin sa mga alituntunin na may kaugnayan sa medical assistance at waste disposal.

Bukod dito, isinagawa rin sa orientation at workshop ang pagpupulong na nakatuon sa vaccine logistics, manpower planning, at kabuuang paghahanda para sa MR-SIA implementation.

Sa ikalawang araw, ipiniresenta naman ang communication plan para sa implementasyon ng nabanggit na aktibidad para sa taong 2026, kabilang ang mga estratehiya sa demand generation bago, habang, at pagkatapos ng pagpapaganap ng programa. Pinagtuunan din ng pansin ang vaccination session planning, supervisory monitoring, budget, at transportation planning.

Dagdag pa rito, naging bahagi rin ng pagtitipon ang presentasyon ng outputs mula sa bawat grupo, kasunod ang critiquing, open forum, at synthesis ng mga susunod na hakbang upang higit pang mapabuti ang programa.

Ayon sa DOH, mahalaga ang ganitong mga workshop upang matiyak ang koordinasyon at epektibong implementasyon ng immunization programs sa mga lokal na pamahalaan. Sa pamamagitan ng masusing pagpaplano at pakikipagtulungan ng iba’t ibang sektor, inaasahang mapapataas ang proteksyon ng komunidad laban sa mga sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng mga bakuna.

Patuloy naman ang panawagan ng Kagawaran ng Kalusugan at Batangas PHO sa publiko na suportahan ang mga programa ng pamahalaan sa pagbabakuna upang mapanatiling ligtas at malusog ang mga sarili.

Sheryl Mae Halili – Batangas PIO