Lalawigan ng Batangas, Kaisa sa Nationwide Classroom Building ng DepEd

Pinagtibay pa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang layunin nito na magkaroon ng matatag na edukasyon ang mga mag-aaral na Batangueño matapos makiisa at lumagda si Governor Vilma Santos-Recto sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Department of Education (DepEd), kasama ang iba’t ibang Local Government Units (LGUs) sa bansa, para sa programang Nationwide Classroom Building ng Pamahalaang Nasyunal.

Ang naturang MOA signing, na isinagawa noong ika-11 ng Pebrero 2026 sa Heroes Hall sa Malacañan Palace, ay magkatuwang na pinangunahan nina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at DepEd Secretary Sonny Angara.

Batay sa nilalaman ng MOA, magtutulungan ang DepEd at mga LGUs sa pagtatayo, rehabilitasyon, at pagpapabuti ng mga silid-aralan sa mga paaralan sa buong bansa.

Magiging gampanin ng mga LGUs ang on-site implementation ng proyekto, habang ang DepEd naman ang inaasahang tutukoy ng mga prayoridad na paaralan, magbibigay ng standard na disenyo at technical specifications, at magmo-monitor ng proseso ng konstruksiyon.

Maghahati sa responsibilidad ang DepEd at mga napiling lokal na pamahalaan mula sa paglalaan ng pondo, pagsubaybay, at pangmatagalang pagpapanatili o long-term maintenance ng proyekto, na suportado at gagabayan ng mga kaakibat na financial and physical accomplishment reports at key performance indicators, nang sa gayon matiyak ang transparency, accountability at timely completion ng programa.

Alinsunod din ang kasunduan sa direktiba ni Pangulong Marcos, Jr. na pabilisin ang pagtatayo ng mga silid-aralan at agarang tugunan ang kakulangan ng mga learning spaces sa bansa, na suportado ng pondong inilaan sa 2026 National Budget.

Sa Lalawigan ng Batangas, una nang ipinahayag ni Governor Santos-Recto ang tuloy-tuloy na pagtugon ng Kapitolyo sa classroom backlogs sa probinsya, kung saan nakalatag na ang implementasyon nito sa 2026 Programs, Projects, and Activities ng pamahalaang panlalawigan.

Matatandaan na inuumpisahan nang ipagawa ang 17 school buildings na may 108 classrooms at ang planong pagpapatayo ng karagdagan pang 10 school buildings, na may 60 classrooms sa taong ito.

Dagdag pa rito, kasalukuyan na rin na isinasaayos ng probinsya ang 202 school buildings na naglalaman ng 841 classrooms at planong pagpapatayo ng early childhood care and development centers o mas kilala sa tawag na day care centers.

Kamakailan lamang din, nagkaroon ng coordination meeting sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan, tanggapan ni 6th District Representative, Congressman Ryan Recto, at mga opisyal ng DepEd Central Office para sa proposed construction ng bagong school building sa Lungsod ng Lipa.

Samantala, ang pakikiisa ng lalawigan sa programang pang-edukasyon ng pamahalaang nasyunal, bukod sa ginagawang sariling pagsisikap ng Kapitolyo, ay patunay sa tuloy-tuloy nitong hangarin na maipatupad ang nakasaad sa E o Education ng governance thrust na H.E.A.R.T.S Program ng Santos-Recto Administration.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO