
Pinaigting pa ng Lalawigan ng Batangas ang mga hakbang upang matugunan at tuluyang masugpo ang patuloy na paglaganap ng online booking scams na nambibiktima sa mga turistang bumibisita sa lalawigan.
Kaugnay nito, isinagawa ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO) noong ika-2 ng Setyembre 2026 ang isang Follow-Through Monitoring Meeting on Online Booking Scam, na nilahukan ng mga resort owners, kinatawan ng Department of Tourism (DOT) IV-A, lokal na tourism offices, mga tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Layunin ng pagpupulong na masubaybayan ang mga isinagawang hakbang kasunod ng mga naunang talakayan hinggil sa mga insidente ng online booking scams, gayundin ang pagtukoy ng mga karagdagang hakbang upang mapalakas ang proteksyon sa mga turista at tourism establishments sa Batangas.
Naging tampok sa pagpupulong ang pagdalo ng Department of Information and Communications Technology – Cybercrime Investigation and Coordinating Center (DICT-CICC), na nagbahagi ng mga bagong gabay at mekanismo sa pagtugon sa online scams.
Binigyang-diin ng DICT-CICC na kinakailangan ang isang whole-of-society approach upang maging mas epektibo ang paglaban sa mga online scam. Kabilang dito ang pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan, pribadong sektor, academe, at iba pang organisasyon upang makabuo ng strategic at tactical solutions laban sa patuloy na pagbabago at pagiging mas sopistikado ng mga pamamaraan ng scammers.
Ibinahagi rin ng DICT-CICC ang Scam Verification Portal, na inaasahang makatutulong sa publiko sa pagberipika ng mga tunay at lehitimong pages o websites ng mga rehistradong tourism establishments.
Samantala, iniulat naman ng Philippine National Police – Regional Anti-Cybercrime Unit (PNP – RACU) IV-A na kabilang sa Top 10 online modus ang mga insidente ng online booking scam.
Dahil dito, patuloy ang isinasagawang pagtugon ng kapulisan upang matukoy, maimbestigahan, at mapigilan ang mga insidenteng may kaugnayan sa online booking scams.
Muling nagbigay rin ng mga paalala si DOT Regional Director Marites Castro, partikular ngayong “ber months” at holiday season kung kailan inaasahang tataas ang bilang ng mga turistang magbu-book ng accommodation at iba pang tourism-related services.
Kabilang sa mga iminungkahing hakbang ang pagpapalakas ng verification system para sa online bookings, pagkakaroon ng malinaw na payment policies, regular na monitoring ng mga social media pages at booking platforms, at agarang pagbibigay ng public advisories hinggil sa mga fake accounts at pekeng promos.
Binigyang-diin din ni Castro ang kahalagahan ng patuloy na information campaigns at pagkakaroon ng database ng mga naiulat na insidente upang masubaybayan ang mga kaso at matukoy ang mga pattern ng panloloko na maaaring makatulong sa pagbuo ng mas epektibong preventive measures.
Hinimok din ang mga tourism establishment owners na kumuha ng accreditation mula sa Department of Tourism (DOT) at magparehistro sa PTCAO bilang bahagi ng pagsusulong ng lehitimo at responsableng tourism industry sa lalawigan.
Ayon kay Castro, hindi madaling magtayo at magpaunlad ng negosyo kaya malaking dagok sa mga resort at establishment owners ang mga insidenteng may kaugnayan sa online booking scams.
Binigyang-diin niya na iisa ang layunin ng mga tourism stakeholders at ng pamahalaan, at ito ay ang matiyak na maayos na nakapaghahanapbuhay ang mga tourism establishment owners at ligtas na nagagamit ng mga turista ang kanilang pinaghirapang pera para sa mga lehitimong serbisyo.
Samantala, tiniyak naman ni PTCAO Head Ms. Jaida Castillo, sa patuloy na paggabay ni Governor Vilma Santos-Recto, na magpapatuloy ang pagtutok ng tanggapan sa usapin ng online booking scams.
Ayon kay Castillo, mananatiling katuwang ng mga resort owners, tourism stakeholders at iba pang ahensya ang PTCAO sa pagpapatupad ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga turista at mapanatili ang tiwala sa mga tourism establishments sa Batangas.
Sa huli, bagaman nakararanas pa ang ibang mga resort owner ng mga hinaing patungkol sa online booking scams, malaki naman ang naging tulong ng naunang isinagawang press conference noong ika-4 ng Mayo 2026, na siyang naging panimulang hakbang ng pamahalaang panlalawigan at mga katuwang na ahensya upang aksyunan ang sopistikadong modus ng mga online scammers.
Dumalo at aktibong nakiisa rin sa idinaos na follow-through monitoring meeting sina 4th District Board Member Marcus Mendoza at Sangguniang Kabataan Batangas Federation President, Board Member Voltaire Aedrian Pua, na kapwa nagpahayag ng kanilang suporta bilang mga kinatawan ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas.
Mark Jonathan M. Macaraig / Photos: Jhay-R Cantada – Batangas PIO Capitol


