Pinag-ibayo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas at mga katuwang na ahensiya ang paghahanda para sa ligtas at maayos na paggunita ng Undas sa pamamagitan ng Coordination Meeting on Ligtas Undas 2026 na isinagawa noong Oktubre 29, 2026, sa PAFES Building, Provincial Agriculture Compound, Bolbok, Batangas City.
Pinangunahan ng Provincial Peace and Order Council (PPOC) ang pagpupulong na naglalayong pagtibayin ang koordinasyon ng mga kinauukulang tanggapan at ahensiya sa pagpapatupad ng mga hakbang pangkaligtasan, seguridad, at kahandaan para sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day.
Dumalo sa pagpupulong sina Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office-OIC Fe Fernandez, Provincial Administrator Atty. Joel Montealto, Chief of Staff Pedrito Martin Dijan, Jr., Provincial Engineer Nerio Ronquillo, Provincial Health Office Head Dr. Gerald Alday, Office of the Provincial Governor Head Sarah Adolfo, Executive Assistant ASec Florida Dijan, Provincial Tourism and Cultural Affairs Office Head Jaida Castillo, Provincial Public Order and Safety Department Head PBGen. Arcadio L. Ronquillo, Jr., at mga kinatawan ng iba’t ibang departamento ng Pamahalaang Panlalawigan.
Naglahad ang Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng mga paghahandang may kaugnayan sa disaster preparedness at pagtugon sa mga posibleng emergency.
Samantala, inilahad ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) ang mga hakbang pangseguridad, kabilang ang mga ipinagbabawal na bagay na dapat iwasang dalhin sa mga sementeryo at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng publiko.
Ibinahagi rin ng Bureau of Fire Protection (BFP) Batangas ang mga hakbang sa kahandaan at pag-iwas sa sunog. Tinalakay naman ng Philippine Ports Authority–Port Management Office (PPA-PMO) Batangas ang mga panukala para sa kaligtasan at seguridad ng mga pasahero at iba pang biyahero.
Naglahad din ang Philippine Coast Guard–Coast Guard Station Batangas ng mga paghahandang pangkaligtasan, kabilang ang activation ng Masakit Help Desk, upang makatulong sa pagbibigay ng kaukulang assistance sa mga nangangailangan. Nagbahagi naman ng kanilang mga paghahanda ang Armed Forces of the Philippines (AFP), PPOSD, at PHO kaugnay ng kanilang mga tungkulin sa pagpapanatili ng kaligtasan at kaayusan ng publiko.
Sa pamamagitan ng nasabing pagpupulong, layunin ng PPOC at mga katuwang na ahensiya na matiyak ang maayos na pagpaplano, malinaw na paghahati ng mga responsibilidad, at mabilis na koordinasyon sa oras ng pangangailangan.
Vinson Roi De Chavez – Batangas Capitol PIO



