
Pinangunahan ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto ang Assessment and Validation ng Matatag na Batangas Award for Visionary Leadership towards Sustainable and Resilient Local Government Units (MBA-VSR) para sa City Government of Lipa noong Lunes, ika-25 ng Mayo 2026.
Kasama ni Governor Santos-Recto na tumungo sa Lungsod ng Lipa ang ilang mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, na kinabibilangan ng mga department heads ng iba’t ibang tanggapan na bumubuo ng validation assessment team. Ang mga ito ang haharap sa mga counterpart mula sa naturang pamahalaang panlungsod na pinamumunuan ni Lipa City Mayor Eric B. Africa.
Sa mensahe ni Gov. Vi, ipinaabot nito sa pamunuan ng Lipa ang taos-pusong pasasalamat sa pagtanggap sa MBA-VSR team at sa aktibong pakikisa sa layunin ng programa. Ibinahagi rin ng goberandora na ang layunin ng MBA-VSR ay ang palakasin ang bawat isang lokal na pamahalaan sa lalawigan sa pamamagitan ng matatag na paglilingkod at mabuting pamamahala.
Bukod dito, inaasahan din aniya ang pagkakaroon ng collaborative programs at mga pagtukoy sa bawat isang best practices ng dalawang pamahalaan na magiging daan upang mas maramdaman ng sambayanang Batangueno ang matatag na paglilingkod at serbisyo.
Inilahad naman ni Mayor Africa ang mga milestone program ng lungsod sa pamamagitan ng mga proyekto at reporma, tulad ng pagpapalakas ng revenue generation na naghatid ng mabilis na pag-unlad sa lungsod. Kasama ang mga katuwang sa Sanggunian Panlungsod, sinuguro rin ng City Government of Lipa ang patuloy na pakikipagtulungan sa pamahalaang panlalawigan upang palakasin pa ang makabagong paghahatid ng serbisyo sa publiko.
Ang MBA-VSR ay itinatag upang maitanyag ang best practices ng mga lokal na pamahalaan sa kabuuan ng lalawigan nang sa gayon ay mapagtibay ang ‘frameworks of good governance thru collaboration’ na magiging daan sa pagpapaabot ng primera, matatag, malinis, at epektibong serbisyo.
Edwin Zabarte – Batangas Capitol PIO



