Matagumpay na Naisagawa ang Pagkakabit ng Starlink WiFi sa mga Upland na Paaralan sa Bayan ng Lobo

Matagumpay na naisagawa ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pangunguna ni Governor Vilma Santos Recto ang pagkakabit ng Starlink WiFi connection sa mga upland na paaralang elementarya sa bayan ng Lobo, Batangas.

Kabilang sa mga nakinabang sa naturang proyekto ang mga paaralang Bignay Elementary School, Pinaghawanan ES, Jaybanga Integrated School, Nagtoctoc ES, Apar ES, San Nicolas ES, Balibago ES, Punas ES, Malabrigo ES, at Calo ES.

Layunin ng proyektong ito na mabigyan ng matatag at mabilis na internet connection ang mga paaralang matatagpuan sa mga liblib at bulubunduking bahagi ng Lobo, upang higit na mapalawak ang akses ng mga mag-aaral at guro sa makabagong teknolohiya at impormasyon.

Ayon kay Governor Vilma Santos Recto, ito ay isa lamang sa mga konkretong hakbang ng pamahalaang panlalawigan sa pagtutulak ng digital inclusion at modernong edukasyon sa Batangas.

Ipinahayag naman ng DICT na ang proyektong ito ay bahagi ng Free WiFi for All Program, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, upang maihatid ang serbisyong digital sa mga paaralang matagal nang walang akses sa internet.

Nagpaabot ng pasasalamat ang mga guro at magulang ng mga nasabing paaralan sa DICT at kay Governor Vilma Santos Recto sa kanilang walang sawang suporta sa edukasyon. Ayon sa kanila, ang pagkakaroon ng internet connection ay magbibigay-daan sa mas epektibong pagtuturo at mas malawak na oportunidad sa pagkatuto ng mga bata.

Inaasahang magtutuloy-tuloy pa ang programang ito sa iba pang mga upland at remote schools sa lalawigan ng Batangas, bilang bahagi ng mas malawak na layunin ng pamahalaang panlalawigan na gawing “digitally connected province” ang Batangas.

Sa matagumpay na implementasyon ng proyektong ito, muling pinatunayan ni Governor Vilma Santos Recto ang kanyang malasakit sa edukasyon at inobasyon—isang hakbang tungo sa makabago, konektado, maunlad at matatag na Batangas. Junjun Hara De Chavez – Batangas PIO