

Ipinaabot ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto ang kaniyang mensahe ng pasasalamat at suporta sa mga Local Government Units (LGUs) at Local Chief Executives nito, kasama ang iba’t ibang kinatawan ng National Agencies at Non-Government Organizations, sa pagsuporta sa mga nakalatag na programa ng kaniyang administrasyon na pawang nakatuon para sa tunay na matatag at maunlad na Batangas.
Ang nasabing tagpo ay naganap sa isinagawang Joint Full Council Meeting sa pagitan ng Provincial Development Council (PDC), Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), at Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC) nitong ika-10 ng Seyembre 2025 sa Batangas City Convention Center.
Binigyang-diin ni Governor Santos-Recto, na mahalaga na ang Annual Investment Plan o AIP ay nagtataglay ng mga probisyon at mga proyektong may malaking impact o epekto at ambag sa pagpapalakas ng programang edukasyon, disaster response and preparedness, at peace and order.
Ipinagbigay-alam din ng gobernadora sa mga mayors na dumalo, gayun din sa mga head of agencies and NGOs, ang recalibrated approach sa mga serbisyong ipinapaabot ng lalawigan, na nakaayon sa kasalukuyang takbo at hubog ng lipunan at nakabase sa aplikasyon ng modernong teknolohiya.
“Mabilis na desisyon, mabilis na aksyon, at agarang resulta” ang naging mensahe ng punong lalawigan upang ang anumang programa ng Kapitolyo ay mapunta at maramdaman ng mga Batangueño.
Tampok sa mahalagang pagpugpupulong na mapagkasunduan at maipasa ng PDC ang mga nilalamang supplemental AIP ng lalawigan para sa taong 2026.
Sa hanay PDRRMC, naipasa ng konseho ang 3-year Provincial Disaster Risk Reduction Plan, kung saan ito ay handa nang itaas sa Sanguniang Panlalawigan para sa mga kaukulang pagdinig sa plenaryo at tuluyang mapagtibay para sa taong 2026-2028.
Inilatag naman ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kanilang ulat at presentasyon ng mga datos sa kanilang Anti-Illegal Drugs Initiatives sa lalawigan, gayun din ang mga emerging drug trends, at mga nakalatag na programa laban sa iligal na droga ng PDEA at ng pamahalaang panlalawigan, sa pamamagitan ng Resolution No. 01 Series of 2025 o ang Resolution Approving the Reorganization of Local Anti-Drug Plan of Action Technical Working Group (LAPDA-TWG).
Katuwang ni Governor Santos-Recto, na tumayo bilang presiding officer sa Full Joint Council Meeting, ang pamunuan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Provincial Administrator, Atty. Joel Montealto, Chief of Staff Pedrito Martin Dijan, Jr., kasama ang pamunuan ng Sangguniang Panlalawigan at mga department heads ng iba’t ibang tanggapan ng Kapitolyo. / Edwin Zabarte/ Photos by;Franciss Milla/ Mac Venn Ocampo



