
“Pagkakaisa, malasakit, at pagtutulungan ng mga kooperatiba ang isa sa mga haligi ng kaunlaran sa Batangas.”
Ito ang binigyang-diin ni Governor Vilma Santos-Recto sa kaniyang naging mensahe sa ginanap na Culminating Program ng Cooperative Month Celebration ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas noong ika-12 ng Nobyembre 2025 sa DREAM Zone, Capitol Site, Lungsod ng Batangas.
Kahalintulad ng isinasaad sa tema ngayong taon na “Cooperatives United in Purpose and Action, Sharing Prosper to Build a Better World,” naniniwala si Gov. Santos-Recto na sa pagkakaisa ng layunin at sama-samang pagkilos ng mga kooperatiba sa lalawigan, mas maitataguyod ang isang maunlad at matatag na Batangas.
Bukod dito, nagpahayag din ng suporta sa pamamagitan ng pagbibigay ng kani-kanilang mensahe sina Sangguniang Panlalawigan Committee on Cooperative Chairperson, 6th District Board Member Aries Emmanuel Mendoza; Dr. Angelito Bagui, Chairperson ng Cooperative Union of Batangas; Asec. Luz Yringco, Member of the Board- Cooperative Development Authority (CDA) Board of Directors (BOD); at Asec. Elizabeth Lopez De Leon, DILG – Ex-Officio Member, BOD – CDA.
Tumayong panauhing tagapagsalita sa naturang programa si CDA Chairperson, Usec. Alexander Raquepo, na nagbahagi ng isang mensaheng nagbigay-inspirasyon hinggil sa kahalagahan ng diwa ng bayanihan sa bawat Batangueño Cooperatives.
Bilang bahagi ng programa, sinimulan naman ang Matatag na Koop Awards sa pamamagitan ng pagpaparangal sa mga nagwagi ng Koop Quiz 2025. Nakuha ni James Vryxter G. Rosario mula sa Blue Isle Integrated School, Sto. Tomas City ang unang puwesto, na sinundan ni Jana Lyniela G. Rapana ng Mabini College of Batangas Inc. sa ikalawang puwesto, at Ludghie Ann B. Paragas mula sa Our Lady of Caysasay Academy, Taal sa ikatlong puwesto.
Sa kategoryang Coop Achievers, kinilala ang Aga Farmers Multipurpose Cooperative (MPC), Batangas Egg Producers MPC, at Lucban MPC para sa kanilang mga natatanging kontribusyon sa pagpapatupad ng mga programa. Pinarangalan din ang Lipa City Parish MPC, Bago (Ibaan) MPC, at Agro Industrial Cooperative of Mataas na Kahoy sa ilalim ng Villar Awards on Poverty Reduction. Iginawad naman ang Longevity Awards sa mga kooperatibang mahigit limampung taon nang naglilingkod, habang itinampok ang Tulo MPC bilang Graduated to Large Category.
Sa Exemplary Performances, kinilala ang FIT MPC bilang Best in Employment at ang OCVAS MPC bilang Best Performing LGU-Based Cooperative. Samantala, sa Best Performing Cooperatives, kabilang sa mga pinarangalan sa Medium Category ang Mariposa MPC, Matala Women’s MPC, at Lobo Agro-Industrial MPC, habang sa Micro Category naman ay ang Paligawan Luntian MPC. Bukod dito, iginawad din ang mga parangal para sa Coop Product Exhibit Winners, Coop Hall of Fame Awardees, at Koop Pelikula, bilang pagkilala sa kanilang kahusayan at patuloy na ambag sa kilusang pangkooperatiba.
Sa pagtatapos ng programa, muling ipinaabot ni Governor Santos-Recto ang kanyang taos-pusong pasasalamat at paghanga sa lahat ng kooperatibang patuloy na nagsusulong ng pag-unlad sa pamamagitan ng bayanihan, disiplina, at malasakit sa kapwa.
Almira Elaine Baler & Kristal Mae Cabello Maccvenn Ocampo | BATANGAS PIO



