Matatag na Ugnayan para sa mas Matatag na Lalawigan ng Batangas

Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang Joint Full Council Meeting ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC), Provincial Peace and Order Council (PPOC) at Provincial Development Council (PDC) ngayong araw ng Lunes, ika-29 ng Hunyo 2026, sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas.

Layunin ng naturang pagpupulong, na pinangunahan ni Provincial Administrator Atty. Joel Montealto, na higit pang patatagin ang koordinasyon at pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan at iba’t ibang ahensya upang mas epektibong maipatupad ang mga programa, polisiya, at inisyatiba na may kaugnayan sa disaster risk reduction and management, kampanya kontra ilegal na droga, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at pagsusulong ng pangkalahatang kaunlaran sa buong lalawigan.

Isinagawa rin dito ang opisyal na paghalal kay Atty. Karen Galicia ng PUSOD Inc. bilang Geographic Private Sector Representative ng Lalawigan ng Batangas sa Regional Development Council. Bilang kinatawan ng pribadong sektor, inaasahan ang kanyang mahalagang papel sa pagpapalakas ng partisipasyon ng pribadong sektor sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa patuloy na pag-unlad ng rehiyon.

Nakiisa sa nasabing pagtitipon sina San Luis Mayor Oscarlito Hernandez, Alitagtag Mayor Jo-ann Ponggos, Agoncillo Mayor Atty. Cinderella Valenton-Reyes, San Nicolas Mayor Mark Jason De Sagun, Mataasnakahoy Mayor Ellery Gardiola Silva, Sta. Teresita Mayor Norberto Segunial, Jr., Tingloy Mayor Larry Alvarez, mga department heads ng Kapitolyo, at mga kinatawan ng mga ahensya ng pamahalaan, pribadong sektor at akademya sa lalawigan.