“Workable, doable and actionable.”
Ito ang binigyang-diin ni Governor Vilma Santos-Recto sa kanyang mensahe sa pagtatapos ng 3-day Executive Briefing cum Planning Session ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas nitong ika-18 hanggang ika-20 ng Agosto 2025 sa PAFES Building, Provincial Agriculture Compound, Lungsod ng Batangas.
Ayon sa gobernadora, inaasahan niya ang sama-samang pagkilos at paglilingkod ng mga lingkod bayan ng Kapitolyo, sa gabay ng mga tinalakay at napagkasunduang mga outputs dito, na nakapaloob sa Executive Governance Action Plan 2026-2028.
Dumalo at aktibong nakibahagi sa planning session ang mga opisyal ng bawat tanggapan ng pamahalaang panlalawigan upang balangkasin at isaayos ang Vision and Mission ng pamahalaang panlalawigan upang maging sang-ayon sa mga layunin at hakbang tungo sa isang maunlad at matatag na Batangas.
Sumasaklaw ito sa long-term plan sa larangan ng land use, infrastructure, social services, economic development at environmental protection, na nakaugnay din sa Provincial Development and Investment Plan at Annual Investment Plan.
Tinukoy din dito ang mga priority issues ng bawat opisina, na tatapatan naman ng mga karampatang mga programa at proyekto, kabilang ang kalusugan, edukasyon, digitalization, pagpapabilis ng mga aksyon at pagdadala ng mga serbisyo sa mga komunidad, sang-ayon sa mga layunin ng administrasyon ni Gov. Santos-Recto, na nakapaloob sa HEARTS Program, at tumutugma sa mga aspeto ng pamamahala na saklaw ng Seal of Good Local Governance.
Binuksan ang pagtitipon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Region IV-A Director Ariel Iglesia, habang tumayong consultants at reactors sa mga sesyon at pag-uusap sina dating DILG Assistant Secretary, Dr. Florida Dijan, at Ms. Esmeralda Purnell, Local Government Academy Assistant Director.
Pinangunahan naman ni 5th District Senior Board Member, Dr. Jun Berberabe, ang naging Legislative Response ng Sangguniang Panlalawigan (SP), kasama ang lahat ng board members ng lalawigan. Itinampok nito na ang SP ay hindi lamang tagapasa ng batas, kung hindi tagapagtulak din ng pangarap ng bawat Batangueño; at nakahanda silang mag-alay ng lakas, talino at puso para sa lalawigan.
Naging mga masigla at makubuluhang mga tagapagpadaloy ng mga talakayan naman sina Provincial Administrator, Atty. Joel Montealto, at Chief of Staff Pedrito Martin Dijan, Jr.
Ang pagtitipon ay pinangunahan ng Provincial Planning and Development Office (PPDO), sa pangunguna ni PPDO chief EnP. Marisa Mendoza, katuwang ang DILG – Batangas Province.
Sa kauna-unahang pagkakataon, sa direktiba ni Gov. Santos-Recto, isinagawa ang ganitong planning session kasama ang ilang samahan sa lalawigan na kumatawan sa civil society at non-government organizations upang mas lubos na maging inklusibo at bukas sa lahat ang binubuong pundasyon, at para tunay na “…iisa ang puso natin ngayon.”
Nagtapos ang pagtitipon sa paglagda ng mga kinatawan ng bawat tanggapan at samahan sa commitment board, na pinangunahan ni Gov. Santos-Recto. V. Altar / Photos: Edz Zabarte, Kiko Milla, Karl Ambida, Macc Ocampo – Batangas Capitol PIO



