
Kaiba sa nakasanayang pag-uulat ng mga punong ehekutibo, isang makabago at malikhaing paraan ng paglalahad ng mga nagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang nasaksihan sa idinaos na State of the Province Address (SOPA) 2026 ni Governor Vilma Santos-Recto noong ika-20 ng Hulyo 2026 sa Batangas Province Events Center (BPEC).
Sa halip na tradisyunal na talumpati, itinampok ng lalawigan ang isang theater play na nagsilbing pangunahing paraan ng pag-uulat sa unang taon ng administrasyon ni Gov. Santos-Recto. Ang makabagong presentasyon ay hango sa naging inspirasyon ng kaparehong estilo ng pag-uulat ni Batangas City Mayor Marvey Mariño, kung saan mas naging buhay at madaling maunawaan ng publiko ang mga programa, proyekto, at serbisyong naihatid ng pamahalaan.
Sa pamamagitan ng pag-arte, musika, sayaw, at makabagong multimedia presentation, isinabuhay ng mga Batangueño theater actor mula sa Lyceum of the Philippines University – Batangas, Batangas State University – The National Engineering University Lipa Campus, Stonyhurst Southville International School – Malarayat, at Batangas City Highschool for the Arts ang mga pangakong ibinigay noong simula ng panunungkulan ni Gov. Santos Recto at kung paano ang mga ito ay naging makubuluhang programa at proyektong direktang napakinabangan ng mga Batangueño.
Naging saksi at tagapagpatunay nito ang mga kuwento ng mga Batangueñong direktang nakinabang at natulungan ng mga nasabing programa. Sa likod ng bawat inisyatibo ay mga tunay na karanasan ng mga indibidwal, pamilya, at komunidad na muling nabigyan ng pagkakataon, suporta, at pag-asa upang makabangon at magpatuloy tungo sa mas maayos na kinabukasan.
Ang mga kuwentong ito ang nagsisilbing patunay sa patuloy na epekto ng mga programa ng Kapitolyo. Ang mga serbisyo ay hindi lamang nasusukat sa bilang at datos, kundi higit sa lahat sa pagbabagong naidulot nito sa buhay ng bawat Batangueñong napagsilbihan.
Sa bawat eksena, malinaw na ipinakita na ang mga pangako ay hindi nanatili sa mga salita lamang kundi naging mga serbisyong nakarating sa iba’t ibang sektor ng lipunan—mula sa kalusugan, edukasyon, kabuhayan, imprastraktura, agrikultura, turismo, teknolohiya, hanggang sa kagalingang panlipunan at kaligtasan at seguridad, na pawang mga sumasalim sa H.E.A.R.T.S. Program.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng gobernadora na ang pamahalaan ay dapat magsilbing pag-asa sa mga mamamayan. Sa pamamagitan ng isang gobyernong may malasakit, katapatan, at matibay na paninindigan, naisasakatuparan ang mga konkretong hakbang.
Batangas Capitol PIO



