Pinaigting ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang paghahanda at pagtugon sa mga sakuna sa pamamagitan ng pagpapakilala sa Multi-Hazard Impact-Based Monitoring, Forecasting and Early Warning System (MHEWS) at pamamahagi ng handheld radio communication equipment sa 34 na lokal na pamahalaan sa lalawigan.
Isinagawa ang aktibidad sa pangunguna ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), sa pamumuno ni PDRRMO-OIC Fe Fernandez, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas sa mga mekanismo ng disaster preparedness ng Kapitolyo, sa pangunguna ni Governor Vilma Santos-Recto.
Sa pamamagitan ng MHEWS, magkakaroon ng access ang mga kinauukulang tanggapan at lokal na pamahalaan sa mga impormasyon tungkol sa aktuwal na lagay ng panahon, mga pagtataya, hazard information, at localized early warning. Layunin ng sistemang ito na makatulong sa mas maagap na pagkilala sa mga posibleng panganib at makapagbigay ng sapat na batayan sa pagpapasya at paghahanda ng mga komunidad.
Bilang bahagi ng aktibidad, isinagawa ang live demonstration kung saan ipinakita ang paggamit ng online MHEWS portal. Dinisenyo ang platform upang matugunan ang pangangailangan ng 34 na lokal na pamahalaan sa Batangas, kabilang ang mas detalyadong pagsubaybay sa lagay ng panahon at pagpapalaganap ng impormasyon hanggang sa antas ng barangay.
Kasunod nito, isinagawa ang pormal na turnover ng mga handheld radio communication equipment sa mga kinatawan ng City at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices (C/MDRRMO) ng lahat ng 34 na lokal na pamahalaan.
Nakatanggap din ng mga kagamitan ang Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), at Bureau of Fire Protection (BFP) Batangas. Layunin ng Provincial Radio Communication Network na magkaroon ng maaasahang alternatibong paraan ng komunikasyon sa panahon ng kalamidad at iba pang emergency, lalo na kung maantala o mawalan ng serbisyo ang pangunahing network.
Sa tulong nito, inaasahang mapabibilis ang pagpapalitan ng impormasyon, pag-uulat ng mga pangyayari, at koordinasyon sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan, mga lokal na pamahalaan, at mga katuwang na emergency responders.
Kabilang sa mga estratehikong lokasyon ng mga repeater station ng Provincial Radio Communication System ang Provincial Sports Complex, Mataasnakahoy, Nasugbu, San Luis, at Isla Verde sa Batangas City. Ang mga pasilidad na ito ay naglalayong palawakin ang saklaw ng radio signal at suportahan ang tuloy-tuloy na komunikasyon sa buong lalawigan.
Dumalo sa aktibidad sina San Pascual Mayor Roanna Conti, Alitagtag Mayor Joann Ponggos, Agoncillo Mayor Cinderella Valenton-Reyes, at Laurel Mayor Lyndon Bruce. Nakiisa rin sina Provincial Administrator Atty. Joel Montealto, Chief of Staff Pedrito Martin Dijan, Jr., Provincial Engineer Nerio Ronquillo, Provincial Health Office Head, Dr. Gerald Alday, 4th District Board Member Marcus Dominic Mendoza, Executive Assistant ASec Florida Dijan, Provincial Tourism and Cultural Affairs Office Head, Jaida Castillo, Provincial Agriculturist Dr. Rodrigo Bautista, Jr., at mga kinatawan ng iba’t ibang departamento ng Pamahalaang Panlalawigan.
Sa pamamagitan ng pagsasama ng MHEWS at Provincial Radio Communication Network, layunin ng Pamahalaang Panlalawigan na higit pang mapahusay ang paghahatid ng napapanahong babala, palakasin ang koordinasyon ng mga kinauukulang ahensiya, at matiyak ang mas maagap na pagkilos sa oras ng panganib.
Kaakibat nito ang patuloy na pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan at mga katuwang na ahensiya upang maprotektahan ang buhay at ari-arian, mabawasan ang epekto ng mga kalamidad, at maisulong ang mas ligtas at matatag na mga komunidad sa buong Batangas. Vinson Roi De Chavez – Batangas Capitol PIO



