Multi-Agency Consultation, Ginanap Kaugnay sa Pagtaas ng Antas ng Tubig sa Lawa ng Taal at Kalagayan ng Pansipit River

Batangas City – Isang multi-agency consultation meeting ang idinaos nitong ika-16 ng Setyembre 2026, na pinamunuan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, upang harapin ang patuloy na pagtaas ng antas ng tubig sa Lawa ng Taal, gayundin ang lumalalang kalagayan ng Pansipit River na dulot ng matagal nang problema sa siltation.

Kasama ang iba’t ibang stakeholders, layunin ng pagpupulong na pagbuklurin ang mga ahensya ng pamahalaan upang makabuo ng malinaw na direksyon at solusyon sa isyung ito na patuloy na nakaaapekto sa mga bayan sa paligid ng lawa.

Sang-ayon din ito sa tagubilin ni Gov. Vilma Santos-Recto na agad na matugunan ang isyung ito sa loob at palibot ng Lawa ng Taal.

Pinagmulan ng Problema

Ayon sa mga kalahok sa konsultasyon, isa sa pangunahing dahilan ng pagtaas ng antas ng tubig sa Lawa ng Taal ay ang matagal nang siltation, o pagkakaroon ng mga lupa at buhangin na bumabara sa daluyan ng tubig, partikular sa Pansipit River — ang tanging labasan ng tubig mula sa lawa patungo sa dagat.

Dahil dito, kinakailangang balangkasin agad ng mga kinauukulan ang isang malinaw at pangmatagalang solusyon upang maibsan ang nasabing mga bara sa ilog. Higit pang lumala ang sitwasyon nang dumaan noong nakaraang taon ang Bagyong Christine, na nagdulot ng malawakang pagbaha sa mga bayang nakapaligid sa lawa.

Ayon sa ulat, ang malakas na pag-ulan ay nagresulta sa pagdaloy ng maraming lupa at debris patungo sa lawa, na lalo pang bumara sa mga daluyan ng tubig, partikular na sa bahagi ng Pansipit River.

Kumpirmasyon ng Okyular na Inspeksyon

Batay sa okyular na inspeksyon na isinagawa ng Provincial Government-Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO), kinumpirma nito ang serye ng pagbaha sa iba’t ibang barangay sa mga bayan ng Talisay, Tanauan City, Balete, Mataas na Kahoy, at Cuenca, kasama ang Taal Circumferential Road.

Bukod sa isyu ng siltation at pagbaha, itinaas din sa pagpupulong ang alalahanin sa nitrification ng Lawa ng Taal — bunga umano ng pagdaloy ng mga kemikal mula sa mga tributaries na nagmumula sa sewage at animal waste na patuloy na dumadagsa sa katubigan ng lawa.

Mga Panukala at Hakbang ng Pamahalaang Panlalawigan

Sa harap ng mga isyung ito, iminungkahi ng pamahalaang panlalawigan ang ilang mga aksyon, kabilang ang pag-alis ng mga sagabal na istraktura sa kahabaan ng Pansipit River at sa paligid ng Lawa ng Taal; muling pagbuhay ng regulasyon sa mga fish cages sa Lawa ng Taal, kaakibat ang pakikipag-ugnayan sa Protected Area Superintendent (PASu) upang alisin ang mga illegal at abandoned na fish cages sa lawa; at pagbuo ng bagong ahensya na magtutuon-pansin sa pangangasiwa ng rehabilitasyon ng kabuuan ng Pansipit River — isang mungkahing malawak na tinanggap ng mga kalahok bilang mahalagang hakbang tungo sa pangmatagalang solusyon.

Mga Ahensyang Dumalo sa Konsultasyon

Kabilang sa mga ahensya at lokal na pamahalaan na nakilahok sa multi-agency consultation ang mga kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, kasama ang mga apektadong Local Government Units sa paligid ng Taal Lake at kahabaan ng Pansipit River, DENR, DPWH, DILG, PHIVOLCS, at BFAR-IVA.

Ang pagpupulong na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Sagip Taal Lake Movement, Inc. at mga kaakibat na ahensya upang matugunan ang lumalalang kalagayan ng ekosistema ng Lawa ng Taal at Pansipit River, gayundin upang maiwasan ang karagdagang pinsala sa mga komunidad na nakapaligid dito.

Karagdagang ulat at aksyon ang inaasahang ilalabas ng mga kinauukulang ahensya habang isinasagawa ang mga susunod na hakbang tungo sa rehabilitasyon ng Pansipit River.

Edwin V. Zabarte Batangas PIO