
AGONCILLO, Batangas – Pinangunahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), bilang lead agency ng Oplan Kontra Baha (OKB) Task Force, ang dalawang araw na Inspection and Flood Mitigation Workshop para sa Pansipit River na nagsimula ngayong Oktubre 6, 2026 at magtatapos sa Oktubre 7 sa Bayan ng Agoncillo.
Katuwang ng DPWH sa pagpupulong ang iba’t ibang pambansang ahensya, kabilang ang Protected Area Management Office – Taal Volcano Protected Landscape (PAMO-TVPL), ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, mga lokal na pamahalaan, at mga kinatawan ng pribadong sektor.
Ang workshop ay kasunod ng OKB Consultation and Coordinating Meeting na ginanap noong Setyembre 16, 2026. Inilahad sa pulong ang mga pangunahing isyu ng pagbaha sa mga bayan at lungsod sa paligid ng Lawa ng Taal at Pansipit River, na binubuo ng 13 lokal na pamahalaan.
Ibinahagi ng bawat isa ang kanilang mga konkretong programang kasalukuyang ipinatutupad upang mabawasan o maiwasan ang pagbaha sa kanilang mga komunidad. Iniulat din ng mga DPWH Engineering District sa Una at Ikatlong distrito ng Batangas ang kalagayan at progreso ng mga isinasagawang dredging activities at engineering interventions.
Iprinisinta naman ng PAMO-TVPL ang kalagayan ng mga pangunahing daluyan ng tubig, kabilang ang river system sa paligid ng Taal. Layunin ng pulong na gamitin ang mga datos mula sa isinagawang assessment upang ipakita ang kahalagahan ng nagkakaisang pagpaplano, balidasyon, at implementasyon ng mga angkop na hakbang laban sa matinding pagbaha tuwing tag-ulan at habagat.
Sa ganitong paraan, mapoprotektahan ang mga komunidad, imprastraktura, at mahahalagang pasilidad sa paligid ng Taal Lake at sa kahabaan ng Pansipit River. Nilalayon din ng pagtitipon na mabilis na matukoy ang mga prayoridad na proyektong agad na makatutulong upang mabawasan ang mga insidente ng malawakang pagbaha.
Inilatag ng mga lokal na pamahalaan sa DPWH ang kanilang mga Priority Infrastructure Program na nangangailangan ng interbensyon at suporta sa ilalim ng OKB Program. Kabilang sa mga mungkahi ang pagtatayo ng mga bagong road network, tulay, at water pumping station.
Kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan si Provincial Chief of Staff Pedrito Martin Dijan Jr., kasama ang mga opisyal ng Provincial Government – Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO), Provincial Engineering Office, at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Dumalo rin sina Batangas 3rd District Congressman King Collantes; Agoncillo Mayor Cindy Valenton-Reyes; Alitagtag Mayor Joan Ponggos; Cuenca Mayor Alex Magpantay; Talisay Mayor Nestor Natanauan; San Nicolas Mayor Lester de Sagun; at Protected Area Superintendent (PASu) Joseph M. Pusancho.
Batangas Capitol PIO – Edwin V. Zabarte Photos: Karl Ambida BPIO



