
Pormal nang naipamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang unang yugto ng Merit-Based Educational Grants Program ngayong ika-25 ng Hunyo 2026, kung saan may kabuuang 1,029 na mag-aaral mula sa Una hanggang Ikaanim na Distrito ng lalawigan ang tumanggap ng scholarship grants bilang pagkilala sa kanilang natatanging pagganap sa akademya.
Personal na dinaluhan at pinangunahan ni Governor Vilma Santos-Recto ang programa at nagbigay ng pagbati sa mga iskolar na matagumpay na nakamit ang mga pamantayang kinakailangan upang maging kwalipikado sa nasabing Merit-Based Grants. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng gobernadora ang kahalagahan ng edukasyon bilang susi sa pag-abot ng mga pangarap at paghubog ng mas maunlad na kinabukasan para sa bawat Batangueño.
Bilang suporta sa kanilang patuloy na pag-aaral, pinagkalooban ang mga kwalipikadong mag-aaral ng ₱25,000 para sa full scholarship at ₱15,000 para sa partial scholarship. Layunin ng programa na mabawasan ang pinansyal na pasanin ng mga mag-aaral at kanilang mga pamilya habang hinihikayat ang pagpapanatili ng mataas na antas ng pagganap sa akademya.
Ayon kay Gov. Santos-Recto, ang Merit-Based Educational Grants program ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan na palawakin ang akses sa dekalidad na edukasyon at bigyang pagkakataon ang mas maraming kabataang Batangueño na makamit ang kanilang mga mithiing pangarap.
Tampok din sa programa ang mga kwento ng iskolars na nagbibigay patotoo sa magandang resulta ng bagong sistema ng Educational Grants sa lalawigan. Sa naging pagbabahagi ni Abejane P, Orense, isang proud Batangueño scholar na nag-aaral sa Rizal College of Taal sa Unang Distrito ng lalawigan kaniyang ipinunto na, “We are truly grateful for granting us this scholarship. Sa atin pong mga taxpayers, salamat po. To our Governor Vilma Santos – Recto, maraming salamat po sa ating maganda at mas accessible na sistema, gayundin thank you po for giving us hope and believing in the power of education!”
Sa pamamagitan ng Merit-Based Educational Grants Program, muling pinagtitibay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang pangako nitong isulong ang edukasyon at suportahan ang mga mag-aaral na nagsisilbing inspirasyon at pag-asa ng matatag na Lalawigan ng Batangas.



