
Mas pinaigting ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang koordinasyon sa pagitan ng mga district hospital sa isinagawang pagpupulong na nakatuon sa mahahalagang usapin ng PhilHealth, pagpapaigting ng pondo at claims management, consignment, at pagpapalawak ng YAKAP Registration.
Sentro ng talakayan ang mga pinakahuling PhilHealth updates upang matiyak na ang bawat district hospital ay napapanahon sa mga bagong proseso, alituntunin, at mga hakbang na makatutulong sa mas maayos na paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga Batangueño.
Tinalakay rin sa pagpupulong ang status ng PhilHealth funds at claims ng bawat district hospital, kabilang ang pagsusuri sa kasalukuyang estado ng mga reimbursement at iba pang kaugnay na hakbang upang higit na mapabilis ang pagproseso ng mga claims at masuportahan ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga pampublikong pagamutan sa lalawigan.
Isa rin sa mahahalagang agenda ang usapin ng Consignment, bilang bahagi ng pagpaplano at mas epektibong pamamahala ng mga kinakailangang kagamitan at suplay sa mga ospital upang matiyak ang sapat na availability ng mga serbisyong medikal para sa mga pasyente.
Bukod dito, binigyang-pansin ang pagpapalawak ng YAKAP Registration o Yaman ng Kalusugan Program, na layuning mahikayat ang mas maraming mamamayan na makapagparehistro at magkaroon ng mas maayos na access sa mga serbisyong pangkalusugan sa ilalim ng mga programang pangkalusugan ng pamahalaan.
Sa pamamagitan ng ganitong mga regular na koordinasyong pagpupulong, patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang mas episyente, mas mabilis, at mas matatag na sistemang pangkalusugan—kaakibat ng layuning mailapit ang dekalidad at abot-kayang serbisyong medikal sa bawat Batangueño.


