PCSO, Nagkaloob ng X-Ray at Ultrasound Machines sa Lalawigan ng Batangas; Diagnostic Services, Palalakasin ng Kapitolyo

[FB] PIO ARTCARDS 2026 – 65

Isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa Lalawigan ng Batangas ang pagkakaloob ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng Portable X-ray Machine, Ultrasound Machine, at Digital X-ray Machine sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, na naisakatuparan sa pamamagitan ng Medical Equipment Donation Program ng PCSO.

Ang naturang turnover ceremony, na ginanap nitong ika-5 ng Nobyembre 2026 sa Jose Diokno Building, Capitol Compound, Batangas City, ay pinangunahan ni Governor Vilma Santos-Recto, kasama si Provincial Health Office head, Dr. Gerald Alday, upang personal na tanggapin mula kay PCSO General Manager Melquiades A. Robles ang mga ipinagkaloob na kagamitang medikal.

Naisakatuparan ang donation activity sa pamamagitan ng walang patid na pakikipag-ugnayan ng Kapitolyo sa Pamahalaang Nasyunal at maging sa mga pampubliko at pribadong ahensya, gayundin ang pakikipagkasundo at pakikipagtulungan sa iba’t ibang institusyon para sa patuloy na pagpapabuti ng mga serbisyong pangkalusugan sa Batangas.

Kaugnay ito sa naging response message ni Governor Santos-Recto, kung saan kaniyang binigyang-diin ang kahalagahan ng patuloy na pakikipagtulungan at suporta ng iba’t ibang ahensya upang higit pang mapalakas ang kakayahan ng mga pasilidad na pangkalusugan ng lalawigan, na inaasahan namang makapaghahatid pa ng mas dekalidad na serbisyong medikal sa mga Batangueño.

Dagdag pa niya, kahalintulad ng mandato ng PCSO na hindi uurong sa pagtulong, aniya ay “hindi rin po ako uurong sa paghingi ng tulong para sa [aking] mga kababayang Batangueño.”

Bilang tugon at pasasalamat, naggawad naman ng sertipiko ang pamahalaang panlalawigan bilang pormal na pagkilala sa ipinagkaloob na suporta ng PCSO. Para sa Kapitolyo, ang mga natanggap na karagdagang equipment o asset ay nakatakdang ilagay sa ilang mga district hospitals ng lalawigan na magpapataas ng antas ng serbisyo pagdating sa diagnostic o early detection at tutugon sa maagap na pagsusuri, pangangalaga sa kalusugan, at kapakanan ng mga Batangueno.

Matatandaan na sa unang taon pa lamang ni Gov. Santos-Recto ay nakapagpasimula na agad ang Kapitolyo ng konstruksyon para sa dalawang bagong district hospital na kasalukuyang itinatayo sa mga Bayan ng Rosario at Sta. Teresita. Bukod dito, nakapagpasinaya na rin nag pamahalaang panlalawigan ng kauna-unahan nitong Dialysis Centers sa Laurel Memorial District Hospital sa Tanauan City at Batangas Provincial Medical Center sa Bayan ng Tuy.

Sa pangunguna ni Governor Santos-Recto, patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang mas matatag na sistemang pangkalusugan kung saan ang bawat Batangueño ay may mas maayos na access sa iba’t ibang serbisyong medikal.