PG-ENRO, Katuwang na LGUs, Patuloy na Pinagtitibay ang Pangangalaga sa mga Yamang-dagat at Baybayin ng Batangas

HEADLINER – 3

Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ng Provincial Government-Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO), ang 3rd Quarterly Joint Meeting ng Batangas Marine Protected Area at Batangas Bantay Dagat Network (BMPAN at BBDN) noong ika-12 ng Agosto 2026 na ginanap sa Bayan ng Nasugbu, Batangas.

Layunin ng pagpupulong na panatilihin ang pag-aksyon sa pagpapalakas sa tuloy-tuloy na koordinasyon, pagbabahaginan ng impormasyon, at sama-samang pagkilos ng mga lokal na pamahalaan, pamahalaang panlalawigan, National Government Agencies, at iba pang katuwang na organisasyon upang higit na mapangalagaan at mapamahalaan ang mga yamang-dagat at baybayin ng Batangas.

Kabilang sa mga pangunahing usapin at inisyatiba na tinalakay ay ang Bantay Dagat insurance, network resolutions, mga posibleng lugar para sa Artificial Coral Reef restoration, Batangas Recognition Awards for Verde Island Passage’s Outstanding Marine/Mangrove Protected Area and Best Bantay (BRAVO) 2026, waste-related concerns, tulong at suporta para sa mga miyembro ng Bantay Dagat, at mga panukalang hakbang kaugnay ng mga proyekto sa Verde Island Passage (VIP).

Bukod dito, nagpakita rin ng datos mula sa water quality monitoring sa mga Marine Protected Areas (MPAs) upang masuri ang kondisyon ng tubig sa mga yamang-dagat at baybayin ng lalawigan. Ipinabatid sa pagpupulong na mahalaga ang regular na ginagawang pagsusuri upang magsilbing batayan sa pagbuo ng mga angkop na hakbang para sa pangangalaga at pagpapanatili ng malinis at malusog na marine ecosystem.

Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at matibay na ugnayan ng mga katuwang na institusyon, patuloy na isinusulong ng Kapitolyo, sa patuloy na paggabay ni Governor Vilma Santos-Recto, ang isang mas organisado, maagap, at sama-samang pangangalaga sa mga likas na yaman ng lalawigan.

Janssen Olimba – Batangas PIO Capitol