Buong pagkakaisa at matibay na paninindigan laban sa tuberculosis (TB) ang ipinamalas ng Pamahalaang Panlalawign ng Batangas, sa pangunguna ng Provincial Health Office, sa obserbasyon ng World TB Day 2026 noong ika-26 ng Marso 2026 sa DREAM Zone, Capitol Compound, Batangas City.
Sa gabay ng temang “Yes! Pilipinas Can #EndTB: Magpasuri, Magpagamot, Mag-TPT para Protektado!,” binigyang-diin ng programa ang kahalagahan ng maagap na pagtuklas, wastong gamutan, at tuloy-tuloy na suporta ng lokal na pamahalaan upang tuluyang mapababa at wakasan ang kaso ng TB sa lalawigan.
Sa pambungad na pananalita, ipinunto ni Provincial Health Office Assistant Department Head, Dr. Josephine Gutierrez, ang patuloy na pagsisikap ng Kapitolyo, katuwang ang mga Rural Health Units at Municipal and City Health Offices sa lalawigan, sa pagpapatibay ng mga programang pangkalusugan, lalo na sa pagpapalawak ng access sa TB screening at treatment services.
Naging sentro ng aktibidad ang mga program presentations kung saan ibinahagi ng mga eksperto ang mahahalagang update patungkol sa TB control efforts. Kabilang dito ang ulat mula sa Culion Foundation hinggil sa mga kasalukuyang programa at inisyatibo, pati na rin ang mga laboratory updates na naglalayong mapahusay ang diagnostic services sa rehiyon. Tinalakay rin ang mga proyekto sa ilalim ng ACCESS TB Project at iba pang partnership na nagpapalakas sa kakayahan ng health system na tumutugon sa TB.
Isa rin sa mga naging tampok na paksa ang GeneXpert warranty at maintenance, na nagbibigay-importansya sa paggamit ng makabagong teknolohiya para sa mabilis at wasto na pagtukoy ng TB cases. Sa pamamagitan nito, mas napapabilis ang diagnosis at naiiwasan ang paglala ng sakit.
Matapos ang mga presentasyon at talakayan, nagbigay inspirasyon naman ang mga inihatid na mensahe ng mga kinatawan ng Department of Health, Culion Foundation, at iba pang katuwang na organisasyon na patuloy na nagsusulong ng integrated at people-centered approach sa TB prevention at control.
Dagdag pa rito, nagkaroon din ng isang Open Forum kung saan aktibong nakilahok ang mga dumalo sa pagtatanong at pagbabahagi ng kanilang karanasan. Naging mahalaga ang bahaging ito upang malinawan ang mga isyu at mapagtibay ang koordinasyon sa pagitan ng iba’t ibang sektor.
Sa huling bahagi ng programa, muling pinagtibay ang kolektibong responsibilidad ng bawat isa sa mas pinalakas at pinaigting na kampanya pagdating sa paglaban sa TB. Binigyang-diin din na ang tagumpay laban sa sakit na ito ay nakasalalay hindi lamang sa pamahalaan kung hindi pati na rin sa aktibong pakikilahok ng bawat mamamayan.
Sa kabuuan, naging matagumpay ang pagdiriwang ng probinsya ng World TB Day 2026, na nagsilbing plataporma upang palakasin ang kamalayan, palawakin ang kaalaman, at pagtibayin ang sama-samang pagkilos tungo sa isang TB-free na Batangas at Pilipinas.
Sheryl Mae Halili – Batangas PIO Capitol



