
Pormal nang inilunsad ng Lalawigan ng Batangas ang “Project KAPWA: Sama-Samang Pagtugon sa Pangangailangan ng Bawat Bata” bilang hakbang sa pagsusulong ng kapakanan, proteksyon, at karapatan ng mga kabataan sa lalawigan noong ika-1 ng Oktubre 2026 na ginanap sa Provincial Information Office Lobby, Capitol Compound, Batangas City.
Pinangunahan ng Humanitarian Legal Assistance Foundation, Inc. (HLAF), katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, ang programa na naglalayong maghatid ng kaalaman, katarungan, paghilom, at bagong simula para sa mga bata, partikular sa mga batang nakararanas ng karahasan, bullying, at iba pang suliraning nangangailangan ng legal at psychosocial na suporta.
Nagpahayag ng suporta ang pamahalaang panlalawigan sa pakikipagtulungan sa mga non-government organization tulad ng HLAF, na nagbibigay ng legal assistance sa mga batang nangangailangan nito at sa kanilang mga pamilya, lalo na sa mga kasong dumaraan sa legal na proseso.
Kabilang din sa pagtutulungan ang pagbuo ng mga programang tutugon sa pangangailangan ng mga bata, kabilang ang mga Children in Conflict with the Law (CICL) at mga batang biktima ng karahasan.
Sa pamamagitan ng Project KAPWA, isinusulong din ang mga inisyatiba sa restorative action, reintegration, jail decongestion, at para-legal training para sa mga jail at para-legal officers. Katuwang sa proyekto ang mga partner mula sa Australian Embassy/Australian Aid at Fair Justice, at isinasagawa ito sa tatlong lalawigan ng CALABARZON, kabilang ang Batangas, Laguna, at Quezon.
Ibinahagi rin sa pagpupulong ang mga mungkahing paksa para sa Speakers Bureau, kabilang ang tamang pag-unawa sa Juvenile Justice Act, pakikilahok ng faith organizations sa paggabay sa mga pamilya, responsible use of technology at internet para sa kabataan, at trauma care at handling para sa mga batang nakaranas ng mabibigat na sitwasyon.
Tampok din sa programa ang isinagawang diyalogo at forum na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa Kapitolyo, na pinangunahan ni Provincial Administrator, Atty. Joel Montealto, kasama sina Chief of Staff Pedrito Martin M. Dijan Jr., Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) head Etheldrida Luistro, Executive Assistant at dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Assistant Secretary Florida Dijan, at Provincial Prosecutor, Atty. Lourdes Zapanta, gayundin ang mga kinatawan mula sa Philippine National Police, academe, non-government organizations, religious sector, at national government agencies, tulad ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Samantala, bilang pagpapakita ng sama-samang paninindigan, nilagdaan ng mga dumalo ang Pledge of Commitment na nagsusulong ng pagkakaisa sa paghahatid ng kaalaman, katarungan, paghilom, at bagong simula para sa bawat bata. Sa tulong ng Project KAPWA, pinagtitibay ang mensaheng walang batang dapat maiwan, at walang hamon sa kanilang paglaki ang kailangang harapin nang nag-iisa.
BPIO: 📝Jayne Elarmo-Ylagan



