Sa 4th Rollout, Nasa Calaca ang Capitol on Wheels

Halos 6K na mga Calacazen Nakinabang sa mga Serbisyo

Nasa Lungsod ng Calaca ang Capitol on Wheels noong ika-18 ng Mayo 2026, para sa 4th rollout ng proyektong naglalayong tunay na mailapit ang mga serbisyo publiko sa mga Batangueño.

Muling patunay ito na nasa gawa at puso ang paglilingkod na dinadala sa mga komunidad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Governor Vilma Santos Recto, katuwang ang mga ibat’ ibang ahensya ng pamahalaang nasyunal.

Nasa Gawa para sa mga taga Calaca

Malugod na tinanggap ng pamunuan ng Calaca, sa pamumuno ni Mayor Nas Ona, Jr., ang buong delegasyon ng mga lingkod bayan na bumisita sa kanilang lungsod upang magdala ng mga tulong at serbisyo sa mga Calacazen, na karaniwan ay kinakailangan pang sadyain sa mga tanggapan sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

“Nawa’y lalo pa nitong pagtibayin ang ating pagkakaisa at sama-samang pagsulong ng mga serbisyong may malasakit at integridad para sa mas produktibo, mas matatag at mas maunlad na Lalawigan ng Batangas,” wika ni Mayor Ona.

Halos anim na libong mga Calacazen ang nakinabang sa mga benepisyong dala ng Capitol on Wheels na ginanap sa Nasa Gawa People’s Hall, Barangay Maladunot sa nasabing lungsod sa Unang Distrito ng Batangas.

1,522 ang sumailalim sa libreng medical check-up (General/Internal Medicine, OB Gyne at Pedia), dental services, libreng tuli, ECG, Laboratory services, X-Ray, at minor surgery, sa pamamagitan ng Provincial Health Office, dala ang kanilang mga mobile clinic, laboratory, dental at surgery trucks.

Nagpaabot din ng mga serbisyo ang ibang mga tanggapan ng pamahalaang panlalawigan, kabilang ang 230 beneficiaries ng AICS at medical assistance mula sa Provincial Social Welfare and Development Office; 400 na mga educational assistance recipients galing sa Provincial School Board; pamamahagi ng 350 fruit at non-fruit bearing seedlings mula sa Provincial Government – Environment and Natural Resources Office; individual livelihood assistance para sa 136 na mga Calacazen mula sa Provincial Cooperative Livelihood and Enterprise Development Office; mga gamot ng hayop para sa 200 recipients mula sa Provincial Veterinary Office; konsultasyon at pagpapagawa ng dokumento ng 10 kliyente sa pamamagitan ng Provincial Legal Office; 8 kliyente na nag-usisa tungkol sa pagpaparehistro ng tourist establishments sa Provincial Tourism and Cultural Affairs Office.

Sa bahagi naman ng mga national government agency (NGA) partners, 2,730 na mga Calacazens ang nabigyan ng serbisyo ng PhilHealth, Pag-Ibig Fund, GSIS, SSS, Professional Regulatory Commission, Department of Agriculture, BIR, Department of Agrarian Reform at Philippine Statistics Office, na nagkaroon ng 444, 231, 48, 209, 106, 199, 63, 125 at 97 na mga kliyente, sang-ayon sa pagkakasunod.

Nakasama rin sa nasabing serbisyo caravan ang Department of Migrant Workers, Department of Social Welfare and Development, Land Transporation Office, Department of Environment and Natural Resources, National Bureau of Investigation, Department of Information and Communication Technology, Overseas Workers Welfare Authority, Technical Education and Skills Development Authority, Department of Labor and Employment, Department of Science and Technology, Department of Trade and Industry, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Department of the Interior and Local Government, at Philippine Coast Guard.

Ease of Doing Business

Naging bahagi rin ng pagtitipon ang Anti-Red Tape Authority (ARTA), kaugnay ng Ease of Doing Business Month celebration ngayong buwan ng Mayo, sa pangunguna ni ARTA Director General, Secretary Ernesto Perez. Binigyang-diin niya ang “commitment to citizen-centric and business-friendly public service” ng pamahalaang nasyunal, na mas naipapakita sa pamamagitan ng mga kolaborasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan at iba pang mga stakeholders.

Ang Capitol on Wheels ay isang paraan aniya ng pagpapadali sa pagpapaabot ng public service sa publiko, at patunay ng wastong pagpaplano at paggawa ng mga programa ng pamahalaang panlalawigan, sang-ayon sa mandato ni Gov. Vi.

Pagpupulong kasama ang Pamahalaang Panlungsod ng Calaca

Bukod sa maghapong pagpapaabot ng paglilingkod sa lungsod na tinaguriang Atchara Capital of the Philippines, nagkaroon din ng pagpupulong at konsultasyon ang mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan at Lungsod ng Calaca.

Kabilang sa pinagtalakayan ang mas masusing pagpapatibay at pagpapalawig ng mga ugnayan tungo sa laging binabanggit ni Gov. Vi na tunay na maiparamdam sa mga kababayan na narito ang gobyerno, tumutulong at naglilingkod sa mga tao. VIA – Batangas Captiol PIO