Sa Bawat Hinga, May Pag-asa! Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, Pinalakas ang Kampanya Kontra Tuberculosis!

Pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO), ang pagdiriwang ng Lung Month ngayong araw ng Martes, Agosto 25, 2026 sa DREAM Zone, Batangas Provincial Capitol, na nakatuon sa pagpapalakas ng kampanya laban sa tuberculosis (TB) at pagsusulong ng mas maagap na pangangalaga sa kalusugan ng baga.

Bitbit ang mensaheng “YES! PILIPINAS CAN #ENDTB: Magpasuri, Magpagamot, Mag-TPT, Lahat para Protektado!,” binigyang-diin sa aktibidad ang kahalagahan ng maagang pagpapasuri, tamang paggamot at pag-iwas sa TB upang maprotektahan hindi lamang ang indibidwal kundi maging ang pamilya at komunidad.

Layunin ng programa na higit pang palakasin ang pagpapatupad ng National Tuberculosis Program (NTP) sa lalawigan, gayundin ang pagkilala sa mga lokal na pamahalaan at health workers na patuloy na nagsisikap upang mapabuti ang TB prevention, detection, treatment at prevention services.

Kabilang sa mga tampok ng programa ang video presentation ng NTP activities at best practices ng mga munisipalidad at lungsod, na sinundan ng awarding at recognition ng mga top performers sa pagpapatupad ng mga programang may kaugnayan sa TB.

Nakiisa rin sa aktibidad ang iba’t ibang katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan, kabilang ang Culion Foundation, Inc., ACCESS-TB–PBSP, PSERC at Philippine Coalition Against TB, na patuloy na nakikipagtulungan sa pagpapaigting ng TB response sa lalawigan.

Ayon sa PHO, mahalaga ang patuloy na pagpapalawak ng kaalaman ng publiko tungkol sa TB dahil ito ay isang sakit na maaaring maiwasan, matukoy at magamot sa pamamagitan ng tamang kaalaman at agarang pagkilos. Hinikayat naman ang mga Batangueño na huwag balewalain ang mga sintomas na maaaring kaugnay ng TB at agad na magpakonsulta sa pinakamalapit na health facility para sa wastong pagsusuri at gabay.

Sa pamamagitan ng patuloy na pagtutulungan at aktibong pakikilahok ng komunidad, isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang isang mas matatag na sistemang pangkalusugan at isang lalawigang mas handang lumaban sa tuberculosis. Tuloy ang laban. Magpasuri. Magpagamot. Mag-TPT. Lahat para protektado. Tungo sa TB-Free Batangas at TB-Free Philippines.