
3rd Quarter Regular Executive Committee Meeting Ginanap sa Balete
Buong pagkakaisang pinagtibay ng mga miyembro ng Protected Area Management Board – Taal Volcano Protected Landscape (PAMB-TVPL) ang suporta nito sa nominasyon ng Taal Volcano Protected Landscape (TVPL) bilang United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) World Heritage Site.
Sa ginanap na 3rd Quarter Regular Executive Committee Meeting noong ika-30 ng Setyembre 2026 sa Bayan ng Balete, kabilang sa naging agenda ang nasabing UNESCO nomination, kung saan inilahad ni Provincial Administrator, Atty. Joel L. Montealto, ang panukala at hiniling ang pakikiisa ng mga miyembro ng PAMB at mga kinauukulang city and municipal mayors sa pamamagitan ng pagpapasa ng mga resolusyong nagpapahayag ng suporta dito.
Ipinahayag din ni Atty. Montealto ang buong suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Gov. Vilma Santos-Recto, sa aksyong ito para sa TVPL na tinaguriang puso ng lalawigan.
Pagkilos para mahirang na World Heritage Site
Nagbigay naman si UNESCO National Commission of the Philippines (UNACOM) Secretary-General Ivan Anthony Henares ng impormasyon hinggil sa proseso ng nasabing nominasyon at kahalagahan nito sa pangangalaga, konserbasyon, at sustainable management ng TVPL. Iniulat niyang naipasa na ang dokumento sa UNESCO at inaasahang maglalabas ang nasabing pandaigdigang organisasyon ng inisyal na feedback sa Nobyembre 13, 2026.
Binigyang-diin din ni Henares na kung papasa at maaaprubahan bilang World Heritage Site, ang pagkilalang ito sa TVPL ay mangangahulugan ng mas pinaigting na konserbasyon, mas angkop na pamahahala at mas mataas na halaga sa lugar na sakop ng protected landscape.
Nagkaisa ang PAMB-TVPL na aprubahan ang resolusyong sumusuporta sa nominasyon. Ito ay sunod na ipapasa sa Department of Environment and Natural Resources Region 4A para sa lagda ni Regional Executive Director Henry Adornado.
Pinaigting ang pangangalaga sa Protected Landscape sa Batangas
Kasunod nito, inaprubahan ng PAMB ang mga panukalang proyekto sa iba’t ibang local government units (LGUs) na sakop ng TVPL. Matapos ang deliberasyon, inaprubahan ng Board ang mga kaukulang resolusyon para sa pagpapatupad ng mga ito.
Samantala, iniharap sa joint report ng Law Enforcement Committee at Fisheries Committee ang mga isyung may kaugnayan sa pagpapatupad ng batas at pangisdaan sa Taal Lake. Kaugnay dito ang PAMB Resolution No. 37 na humihiling sa Provincial Government of Batangas na muling itatag ang Law Enforcement Committee o Task Force Taal Lake upang maalis ang mga sobra, ilegal, at iba pang hindi awtorisadong fish cage at istruktura sa mga itinakdang aquaculture zones sa lawa.
Dagdag ni Protected Area Supervisor Joseph Pusancho, naghihintay ang PAMB ng tugon ng Kapitolyo sa nasabing hiling at panawagan.
Kinatigan naman ni Ginang Mila Chavez ng Kilusan ng mga Maliliit na Mangingisda sa Lawa ng Taal (KMMLT) ang resolusyon, at ipinahayag na tunay na naging matagumpay ang pangangalaga sa Lawa ng Taal noong unang tatlong termino ni Gov. Vi.
Ipinasa rin ng Board ang resolusyon na humihiling sa mga law enforcement agencies sa pagpapatupad ng environmental laws, kabilang ang pag-obliga sa mga fish cage operators na tanggalin ang mga inabandona at hindi na ginagamit na fish cages.
Patuloy na mga pag-aaral, PAMO activities iniulat
Sang-ayon naman sa report ng Research Council, inaprubahan ang apat na pag-aaral hinggil sa yamang-tubig, biodiversity, sustainable aquaculture, at fieldwork sa TVPL, kasabay nang paglalabas ng requirement na ang mga magsasagawa ng mga pag-aaral ay kinakailangang magsumite sa PAMB ng mga output ng mga research at studies na ito.
Kasabay nito, hiniling ng PAMB sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) ang suporta para sa pagpapaunlad at pagpapatupad ng sewerage, septage, at wastewater management systems sa loob ng TVPL.
Base naman sa rekomendasyon ni PGENRO head, Dr. Mavic Esmas, maglalabas ng resolusyon ang PAMB na humihiling ng suporta mula sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) pagpapagawa at pagsasaayos ng sewerage, septage, and wastewater management systems sa loob ng TVPL.
Sa huli, nagbigay ng mga accomplishment reports ang PAMO para sa 3rd Quarter ng TVPL, water quality monitoring, at resulta ng pagpapatrolya ng Landscape and Wildlife Indicator (LAWIN) sa mga forest areas ng lalawigan.
VIAltar – Batangas Capitol PIO



